Barbie, naghihintay sa address ni Sharon!

Mega sobrang napagod
Magaganda ang mga sinabi sa akin ni Tonton Gutierrez tungkol sa samahan nila sa Honor Thy Mother.
Natapos na nila ang taping nung nakaraang linggo, at ramdam ko sa mga pahayag ni Tonton na nami-miss niya ang samahan nila sa set. “Ito ‘yung taping na walang problema. Walang bulilyaso, at okay kami lahat,” pakli ng aktor.
Kaya ito rin ang tinanong ko kay Barbie Forteza nang sandali ko siyang makatsikahan nang dumalo siya sa premiere night ng Pee Mak kasama si Bianca Umali. Sinuportahan kasi nila ang kaibigan nilang si Bea Binene.
Kinumusta ko kay Barbie ang last taping day nila sa Honor Thy Mother. “Oo nga! Nag-last taping kami nung Friday.
“Wala! Sobrang mixed emotions. Si Ms. Sharon (Cuneta), ayaw umalis. Nag-iyakan kami lahat. Ayun! Bittersweet ang aming last taping,” napangiting pakli ni Barbie.
Kagaya ng mga puri ni Tonton, sobrang na-enjoy raw ni Barbie ang magandang samahan nila sa set. “Sobrang saya, and we promised na magkikita-kita kami after.
“Kasi first time working with ABS-CBN, Dreamscape also, and finally with Prime Video na sila rin po talaga ‘yung nag-produce. So, I’m really really grateful. And of course to my mother network, GMA. Salamat sa tiwala,” tugon ng Kapuso actress.
Nasusubaybayan ko itong Honor Thy Mother sa Prime Video at patindi nang patindi ang mga nagaganap sa kuwento ngayong nasa 12th episode na.
Next week ay matatapos na ito, dahil 14 episodes lamang itong season 1.
Tama nga ang naririnig naming sobrang bigat at nahirapan si Sharon dito. Ganundin sa ibang mga artista, lalo na si Barbie.
Pero naintindihan daw ni Barbie kung bakit sobrang napagod ang Megastar sa seryeng ito. “I’m sure! Kasi dala n’ya po talaga ‘yung buong show, Diyos ko!” bulalas niya.
Napagod naman daw si Barbie dito dahil sa sunud-sunod ang mga ginagawa niya. “Siguro nanggagaling sa kasi ano po e, nakasabay po ‘yung Saving Cherry. Kaya ayun! Finally, tapos na ang lahat. Makapagpahinga na and ano magkakaroon na ng time kay Bianca! Kay Bianca!” natatawa niyang sagot sa akin.
Ang ipinagpapasalamat niya ay nabuo ang magandang relasyon nilang lahat sa set, lalo na kay Sharon. “Opo! Magka-text na magka-text po kami ni Ms. Sharon. Tapos niyaya niya po kami sa bahay niya.
“Hindi ko alam kung totoo ‘yun. Pero hindi pa niya kasi sine-send ‘yung address hahaha! Pero soon ‘pag nalibre na po kaming lahat. Definitely magkikita-kita po kami,” natatawa niyang pakli.
Sinundan namin ng tanong kung ano naman ang natutunan niya o na-realize niya nang makatrabaho na ang Megastar. “Ang pinakanatutunan ko po kay Ms. Sharon ay laging i-consider ang nararamdaman ng lahat.
“Hindi lang ng mga artista, ng director, kundi lahat ng crew na bumubuo ng show. Kasi sobrang, grabe lang po talaga niya alagaan ang sa set talaga,” saad ni Barbie Forteza.
Sigabo, may pinaghahandaan
Bumalik sa top 10 trending ng Netflix ang The Master Cutter ni Dingdong Dantes.
Pumasok na kasi ito sa season 2, at ginamit na nila sa titulo ang madalas na expression ni Atoy (Dingdong Dantes), ang Anak Ng Sinulid.
Iilan na lang ang naiwan mula sa season 1 at ang ilan sa mga bagong karakter na papasok ay ginampanan nina Herlene Budol, Tom Rodriguez, Benjie Paras, Andre Paras at Kelvin Miranda.
Nung nagsimula ang season 2 nito sa Netflix ay nag-number 2 siya agad. Ang latest ay nasa no. 4 na siya.
Noong nakaraang Miyerkules, Oct. 14, lang ito nagsimula sa free TV.
Mukhang inabangan ito dahil naka-double digit ang rating nito, 10.6 percent.
Noong Huwebes ay bahagyang bumaba na naka-9.4 percent, at slight na tumaas naman ang Sigabo na 6.9 percent.
Ang narinig namin, hanggang first week of January next year itong season 2 ng The Master Cutter at ang ipapalit ay ang Hari ng Tondo nina Dennis Trillo at Ruru Madrid.
Samantala, ngayong Linggo naman ay magsisimula na ang Star Worx artists sa ASAP XP na naging 7 p.m. hanggang 8:45 ng gabi.
Magiging bahagi na ang Star Worx artists sa ASAP XP. Matapos pasayahin ang mahigit 8,000 Cabalen sa back-to-back shows sa Pampanga, tuloy ang saya sa ASAP XP sa pasabog na opening number mula kina Ogie Alcasid, Piolo Pascual, Erik Santos, Bamboo, Belle Mariano, Robi Domingo, Alexa Ilacad, Maymay Entrata, Kai Montinola, AC Bonifacio, Jane de Leon, and Darren Espanto, together with Star Worx Dylan Menor, Carmela Lorzano, Gianna Huelgas, Selina Griffin, Kaitlyn King, Chan Martin, Celyn David, Keisha Serna, Nico Matugas, Patrick Ballesteros, and Spencer Capistrano.
Curious ako dito kung hahataw ang ratings nito.
Sana humataw ito ngayong nag-iingay muli at marami rin ang interesado kung paano magpakitang gilas ang Star Worx artists na talagang hinulma at dinebelop ni Mr. Johnny Manahan.
Samantala, wala pa ring sagot sa amin ang mga taga-All-Out Sundays kung totoo bang bilang na ang mga araw nila sa ere.
Hindi pa rin kasi gaanong umuusad ang rating nito. Noong Linggo ay naka-3% lang ito, ang Sunday Noon Blockbuster ay 1%, at ang Cine Astig ay 0.7%.
Totoo kayang ang ipapalit ay ang TiktoClock na napapanood mula Lunes hanggang Biyernes, at magpapasabog pa uli sa Linggo.
‘Yun ay haka-haka pa lamang at walang nagkumpirma sa amin.
Abangan na lang natin!
- Latest
























