2 kolehiyala tusta sa sunog sa boarding house!

MANILA, Philippines — Dalawang kolehiyala ang nasawi makaraang ma-trap sa sunog sa kanilang boarding house na ikinadamay ng apat pang kabahayan sa isang residential area sa Brgy. Nazareth, Cagayan de Oro City kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawi sa pangalan na Sam, 22, anak ng may-ari ng paupahang boarding house, at Cris, 20, nursing student na taga Malaybalay City, Bukidnon.
Sa report ng Cagayan de Oro City Fire Marshal, nangyari ang sunog sa nasabing boarding house dakong alas-6 ng umaga sa Brgy. Nazareth ng nasabing lungsod.
Ang sunog ay mabilis na kumalat na tumupok sa buong boarding house at nabigong mailigtas ang dalawang na-trap na biktima.
Nagresponde ang mga bumbero at narekober ang halos nagmistulang uling na katawan ng mga biktima bandang alas-12:01 ng tanghali. Ang mga ito ay isasailalim sa awtopsiya sa Forensic Unit sa Region 10.
Sa pahayag ng may-ari ng boarding house, ama ng isa sa mga biktima, nagawa namang makatalon sa bintana sa ikalawang palapag ang ilang boarders na nasugatan sa insidente kabilang ang tatlong isinugod sa pagamutan. Gayunman, ang kaniyang anak at si Cris na narinig pa ng mga kapitbahay ang paghingi ng tulong ay nabigong mailigtas dahil nababalutan na ng malaking apoy ang buong boarding house hanggang sa matupok at nadamay ang apat na kabahayan.
Sa pahayag ni Cagayan de Oro Fire District Chief Operations Senior Inspector Rey-an Donasco, nasa 48 katao ang naapektuhan ng sunog.
Sa inisyal na pagtaya ay mahigit P800,000 ang pinsala sa sunog na inaalam pa ng mga fire investigator ang sanhi.
- Latest


















