Motorista walang kawala

NCAP larga na!
MANILA, Philippines — Wala nang makakapigil sa muling implementasyon ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa Metro Manila ngayong araw kaya naman nagpaalala na ang Metropolitan Manila Development Authority(MMDA) sa mga motorista na maging maingat sa mga lugar na sakop nito.
Ayon sa MMDA, hindi naman dapat ilagan o katakutan ng mga motorista ang NCAP dahil ito ay pagsunod lamang sa batas at pagdidisiplina.
Ipatutupad ang NCAP sa Maynila, Muntinlupa, Parañaque, Quezon City, San Juan at Valenzuela. Sa Valenzuela, ipagpapaliban muna ang NCAP dahil sa ilang isyu.
Sinabi ng MMDA na maaaring tignan sa kanilang website o website ng mga LGUs ang mga lugar.
Tiniyak din ng MMDA na sa ilalim nito, ipatutupad ang standardized fines sa mga lungsod na sakop ng NCAP alinsunod sa Metro Manila Traffic Code of 2023.
Gagamit ang NCAP ng closed-circuit television (CCTV) at high-speed cameras para sa digital recording ng mga paglabag sa trapiko.
Sa pamamagitan ng NCAP iwas kotong at korapsiyon dahil sa gobyerno papasok ang multa sa mga lalabag sa nasabing polisiya.
Samantala, sinabi naman ni Motorycle Taxi Riders Organization (METRO) Convenor Jayson Luna na buo ang kanilang suporta sa muling pagpapatupad ng NCAP sa mga pangunahing lungsod at munisipalidad sa buong bansa
Ani Luna, bilang mga moto-taxi riders na araw-araw na naghahanap-buhay sa kalsada, naniniwala silang ang NCAP ay isang epektibong paraan upang mapanatili ang disiplina at pagsunod sa batas trapiko. Ang pagsuporta sa NCAP ay pagsulong ng road safety hindi lamang para sa mga rider ngunit kasama rin ang iba pang motorista at ang ating mga minamahal na mananakay o pedestrian.
- Latest

















