Dylan, ilalabas ang pagka-romantiko

Pinasok na rin ng dating Pinoy Big Brother: Gen 11 housemate na si Dylan Yturralde ang pagkanta sa kanyang debut EP na Dylan na nagsisilbing soundtrack ng maganda at magulong buhay ng pag-ibig.
Mahilig sa old soul at vintage music ang rising Kapamilya artist na naglalayong maramdaman ng mga tagapakinig ang romantic side niya sa kanyang mga kanta.
“Gusto kong maramdaman nila ‘yung pagiging romantic ko. Gusto kong maramdaman nila ‘yung pagmamahal. Kunwari nagye-yearn sila for love, they can just listen to the EP,” ani Dylan.
Kwento ng pagmamahal, pagkawala, panunumbalik ng pag-ibig, at pagsisimula uli ang hatid ng limang kanta ng Dylan EP: Hulog ng Langit na mula sa panulat ni Ato Arman; Ngayon ni Trisha Denise; Halata Naman Na na binuo ni Dennis Campañer; Pikit ni Gio Ravelo; at Dito Ka Lang na isinulat ni Ron Pangyarihan.
Si StarPop label head Roque “Rox” Santos ang siyang overall-producer ng album.
Ang awiting Ngayon ang nagsisilbing key track na naglalarawan ng saya at kapayapaang nadarama kasama ang isang minamahal sa kasalukuyan na hindi tumitingin sa kung anumang kinabukasan ang kahaharapin nila.
Sa limang kanta, ang Ngayon din ang pinakamalapit sa puso ni Dylan.
“‘Yung song na ‘yon ang nagbigay sa akin ng meaning. Kailangan focus muna tayo sa ngayon. Huwag nang problemahin ang bukas. Kung masyado nating iisipin ang bukas, hindi natin mae-enjoy ang moment na ito,” sabi niya.
Ang nasabing EP ang unang musical project ni Dylan kasunod ng kanyang pagpasok sa PBB bilang ang Astig Volleybae ng Pampanga.
Naging bahagi rin ang kasalukuyang Star Magic artist at dating miyembro ng UE Men’s Volleyball Team ng iWant series Love At First Spike.
Masaya siya sa mga bagong blessing na tinatamasa niya ngayong taon, lalo na sa pagkakataon na maipakita naman ang talento niya sa pagkanta.
“Excited ako sa mga dumarating na blessing sa akin kasi bago ang lahat. Sa All Star Games, I played basketball. I haven’t played competitive basketball before. Ngayon may sarili na akong kanta. Makikita ko na ‘yung sarili ko sa Spotify,” pagbabahagi ni Dylan. “You are never ready; kailangan matapang ka lang at i-enjoy mo ang process at dapat mahal mo ang ginagawa mo.”
- Latest























