Xyriel, tinalo si Sassa sa Best Actress!

Umabot ng mahigit tatlong oras ang awarding ng Puregold CinePanalo Film Festival na ginanap sa Cinema 5 ng Gateway 1 sa Cubao, Quezon City noong Miyerkules. Sept. 30.
Sa acting awards ng full-length category ay ang best actress na si Xyriel Manabat at ang Best Child Performer na si Zion Cruz ng pelikulang Apol of My Ai ang present.
No show ang ibang winners na sina Best Actor Juan Karlos ng Mono No Aware, ang Best Supporting Actress na si Momoko Kobayashi ng ganunding pelikula at ang Best Supporting Actor Zanjoe Marudo ng Apol Of My Ai.
Nasa Japan daw si Momoko, pero wala kaming ideya kung bakit hindi nakarating sina Juan Karlos at Zanjoe.
Nabawi naman nina Xyriel at Sassa Gurl ang ‘di pagsipot ng ibang artista dahil sa ginawa nilang dalawa bago in-announce ang winner ng Best Actress.
Si Sassa Gurl lang ang katunggali ni Xyriel, na magkaibigan naman ang dalawa. Kaya bago in-announce ang mga nominado sa kategoryang ito, magkahawak-kamay silang umakyat ng stage, at pumorma na parang nasa beauty pageant na naghihintay kung sino ang magwawagi at kokoronahan sa gabing ‘yun.
Nang tinawag na si Xyriel ang nagwagi, magkasabay silang lumapit sa mic at nagpasalamat sa Puregold.
Humirit pa si Sassa Gurl kung may pa-grocery daw sa gabing ‘yun. Iniwan na ni Sassa si Xyriel para sa kanyang acceptance speech.
Habang nag-a-acceptance speech si Xyriel ay sumigaw si Sassa Gurl, “I love you!”
Sabi ni Xyriel, nagsusuportahan naman daw sila sa isa’t-isa. “Naglolokohan po kami. Kasi plano na po talaga namin na mag-holding hands.
“Sabi ko, ‘holding hands lang. Ayaw mo ba mag-kiss sa stage hahaha! Kasi sobrang grabe po talaga ‘yung support system na nakukuha po talaga namin with each other. And grabe kami ka-vocal sa pagmamahal namin sa isa’t-isa ni Sassa,” kuwento sa amin ni Xyriel pagkatapos ng awarding.
Marami na ang nagsasabing kay Xyriel na ang award dahil silang dalawa lang ni Sassa ang naglalaban sa kategoryang ito.
“So, hindi po tayo puwedeng mag-assume. Hindi rin natin puwedeng i-claim. Kasi alam po natin na lahat po talaga binigay ‘yung best when it comes to doing each other’s work o ‘yung job po na ipinagkaloob po sa atin.
“So, alam ko pong malakas po talaga ‘yung laban ni Sassa. Kahit gaano man po karami ang nagsabi o nag-assume na sa atin na ‘yung... kahit hindi pa po sinasabi, huwag po natin i-claim kasi of course... meron naman pong laban ang ibang nominado.”
Hindi kasama ni Xyriel ang leading man niya rito na si River Joseph.
Tanging siya lang kasi ang lead actor na hindi nominado sa Best Actor category. Bakit pa siya pupunta?
Na-feel bad ba si Xyriel sa kanyang leading man? “Hindi po feel bad. Hopeful,” pakli niya.
“There’s so much more River can offer. I don’t want to feel any pity or sadness kasi alam ko na iba ‘yung level of trust ko kay River. And alam ko... and sobrang hopeful ko. And I really trust na next year o next award-giving bodies mas maa-appreciate and makikita nila ‘yung hard work ni River,” sabi pa ni Xyriel.
Ang pelikulang Mono No Aware na dinirek ni BC Amparado ang talagang humakot ng maraming awards sa full-length category.
Expected na namin ito dahil maganda naman talaga ang pelikula at deserved na deserved nito ang mga nakuha nilang parangal.
Bukod sa best actor at best supporting actress trophies, wagi ito bilang pinakapanalong pelikula (best picture), panalo sa international jury, best director (BC Amparado), best ensemble, best cinematography (TM Malones), best editing (Edmund Telmo), at best sound design (Willie Apa Jr.).
Siyam ang mga tropeo ng Mono No Aware. May kaakibat na P250,000 cash prize ang pagiging pinakapanalong pelikula nito.
Ilang beses ding nagbigay ng acceptance speech ang nagsulat at nagdirek ng pelikulang Multwoh: Patay na Patay sa ‘Yo.
Sa kanyang talumpati ay pinagdiinan niya ang pagpansin at pagbigay-halaga sa queer na filmmakers at kuwento ng mga queer ang pelikula.
Nag-topgrosser na Multwoh: Patay na Patay sa ‘Yo, at naka-apat ding parangal — Puregold Always Panalo Film (katabla ang Patay Gutom), panalo sa mga manonood, best production design, at panalo sa brand intrusion (na may kaakibat na cash prize na P25,000).
Ibinalita ni Direk Rodina Singh na ikinakasa na ang next movie project niya after Multwoh... The Last Suffer (Ang Huling Paghihirap).
Maraming awards na ipinamahagi nung gabing ‘yun lalo na sa short films.
Ang nakakaloka pa sa kategoryang ito, ang hahaba ng acceptance speech ng winners ng short films.
Iniintindi na lang namin na mga estudyante at ngayon lang nila ito naranasan.
Pero bakit pati proxy ay dala-dalawa pa ang tatanggap at napakahaba ng kanilang speech, e representative lang naman sila, hindi sila ang winner.
Meron pang iisa lang ang winner, pero merong tatlo o apat pa ang aakyat.
Talagang sinulit nila ang oras nila nung gabing ‘yun. Kami namang audience ang nagdusa sa tagal.
Ang major winners sa Student Shorts ay ang Limlim bilang Pinakapanalong Pelikula, at Jury award ay iginawad sa Kun Hain, Bisan Diin.
Panalong Director ay nag-tie sina Joemarie Corro-Reyes ng Kun Hain Bisan Diin, at si Samantha Palaje ng Limlim.
Congratulations sa lahat na nagwagi, lalo na sa bumuo ng Puregold CinePanalo Film Festival.
Ito ang pinaka-box office success kung ikumpara sa dalawang filmfest na nakaraan.
- Latest




















