PISTON magkakasa ng tigil-pasada sa Sept. 29-30

MANILA, Philippines — Dalawang araw na tigil-pasada sa susunod na linggo ang ikakasa ng transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) upang iprotesta ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Ayon kay Mody Floranda, pangulo ng PISTON, isasagawa nila ang malawakang tigil-pasada sa Martes, Setyembre 29, at Miyerkules, Setyembre 30.
Tinatayang nasa hanggang 70,000 tsuper at operators ang inaasahan ng PISTON na lalahok sa tigil-pasada.
Inaasahan din nilang makikiisa sa naturang protesta maging mga labor at urban poor groups at mga commuters.
Layunin ng tigil-pasada na ipanawagan sa pamahalaan ang pagsasagawa ng agarang aksiyon laban sa lingguhang big-time oil price hike sa bansa.
Binigyang-diin pa ng transport leader na hindi sila titigil sa pagpoprotesta hanggang hindi inaalis ng pamahalaan ang excise tax at value added tax sa mga produktong petrolyo upang maibaba ang presyo ng mga ito.
Kabilang sa mga ruta at lugar sa Metro Manila na maaaring maapektuhan ng tigil-pasada ay ang Cubao-Marikina-Antipolo, Commonwealth, Espana, Monumento, Novaliches, Baclaran, Pasig, Taguig, Sucat, at Alabang.
- Latest




















