6 notoryus na ‘tulak’ nalambat sa Quezon

CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Anim na notoryus na drug suspect ang natimbog sa pinaigting na kampanya ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) laban sa illegal na droga isinagawang limang magkakahiwalay na anti-illegal drug operations sa lalawigan.
Ayon sa ulat ni QPPO Director PCol. Romulo Albacea, sa Lucena City, magkahiwalay na operasyon ang isinagawa ng Lucena Component City Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto nina alyas “Ronald,” 56, sa Barangay Ibabang Dupay; alyas “Darwin,” 47, sa Barangay Ilayang Iyam; at sina alyas “Mak” at “Edi,” kapwa 34, sa Barangay Ibabang Iyam.
Sa Tiaong, Quezon, naaresto naman ng Tiaong Police si alyas “Bato,” 56, sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Cabatang. Nakumpiska mula sa kanya ang isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang 0.50 gramo, gayundin ang buy-bust money na P500.00.
Samantala, sa Mauban, Quezon, naaresto ng Mauban Police si alyas “Aron,” 45, sa buy-bust operation sa Sitio Pulang Lupa, Barangay Bagong Bayan. Nakumpiska mula sa suspek ang tatlong sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang timbang na 0.25 gramo, isang P500.00 buy-bust money, at isang leather wallet.
Sa kabuuan, ang mga nakumpiskang hinihinalang shabu ay tinatayang nasa kabuuang halaga na P621,384.
- Latest



















