Mag-utol tiklo sa bogus na notary
MANILA, Philippines — Nadakip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang magkapatid na umano’y gumagamit ng pangalan ng mga lehitimong abogado sa pekeng notarial services sa Makati City.
Dinakip ang 20-anyos na babae at 31-anyos na lalaki, kapwa residente ng Taguig City, sa isang makeshift tent sa Kamagong Extension, Barangay San Antonio, Makati, matapos ang entrapment operation noong Martes, Setyembre 15. Mahigit isang taon na umanong nag-o-operate ang mga suspek at gumagamit ng iba’t ibang pangalan ng abogado.
Isinagawa ang operasyon matapos magreklamo sa NBI-Organized and Transnational Crimes Division ang isang lehitimong abogado na may notarial commission sa Maynila. Nagkunwaring kustomer ang isang ahente ng NBI upang makumpirma ang ilegal na gawain ng mga suspek.
Nag-refer din ang Makati Regional Trial Court ng reklamo ng isa pang abogado matapos matuklasang ginagamit umano ang pangalan ng mga notary public nang walang pahintulot sa pagnotaryo ng mga dokumento.
Nahaharap ang magkapatid sa mga reklamong falsification of private documents, use of falsified documents, possession of instruments or implements for falsification, usurpation of authority or official functions, at estafa by means of deceit. Ayon kay NBI official Mallari, patuloy rin ang surveillance sa iba pang lugar sa Metro Manila para matukoy kung may kaparehong modus.
- Latest

















