4-anyos pinatay sa saksak ng ina!

MANILA, Philippines — Kalunos-lunos ang sinapit na kamatayan ng isang 4-anyos na batang lalaki makaraang pagsasaksakin ng sarili nitong ina sa Brgy. Surqui 1, Camiling, Tarlac nitong Linggo ng umaga.
Ang biktima na itinago sa pangalang Junjun ay dead-on-the-spot sa insidente matapos na puntiryahin ng saksak sa leeg at iba pang bahagi ng katawan.
Sa report ni P/Lt. Col. Elogio Lamqui III, acting chief ng Camiling Municipal Police Station (MPS), alas-11 ng umaga nang madiskubre ng ama ng biktima ang krimen matapos siyang umuwi ng kanilang bahay galing sa trabaho.
Nagtaka ang nasabing mister kung bakit wala siyang nadatnang tao sa kanilang tahanan kaya naglakad-lakad siya sa labas ng kanilang bahay.
Dito, nagulantang ang mister nang madiskubre ang katawan ng anak na duguan habang nakabalot ng kumot sa tabi ng kanilang tahanan.
Agad nitong binuhat ang anak papasok ng kanilang bahay kung saan kumaripas ng takbo ang nasabing misis nang makita ang asawa.
Sa pahayag ng 8-anyos na panganay na anak ng mag-asawa, inutusan umano siya ng kaniyang ina at may ipinabili rito sa tindahan, di kalayuan sa kanilang tahanan. Pero pagbalik ay nadatnan nito na pinagsasaksak ng kanilang ina ang kaniyang kapatid kaya nagtatakbo siya at nagtungo sa kanilang kapitbahay.
Sinasabing nakainom umano ang ginang nang isagawa ang pagpatay sa sarili nitong anak.
Nakakaranas umano ng depresyon ang ginang na hinihinalang nawala na sa sarili nitong katinuan nang patayin ang sariling anak.
Nasakote ng pulisya sa follow-up operation ang ginang na nagtago malapit sa kanilang tahanan. Siya ay nahaharap sa kasong parricide.
- Latest






















