Pulis todas sa hinabol na kawatan!

Suspek utas din
MANILA, Philippines — Nagbuwis ng buhay ang isang pulis matapos na mabaril ng isang kawatan na kanilang hinahabol sa isinagawang hot pursuit operation sa Brgy. Sampaga, Balayan, Batangas noong Araw ng mga Bayani, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang nasawing pulis na si PStaff Sgt. Von Rico Binaño Macuha, nakatalaga sa Sta. Teresita Municipal Police Station.
Napatay rin ang target sa operasyon na robbery suspect na kinilalang si Carlo Arcilla Sape, residente ng bayan ng Sta. Rita, na iniuugnay sa isang insidente ng pagnanakaw sa Sta. Teresita.
Ayon sa pulisya, bandang alas-4 ng hapon nitong Sabado nang magsagawa ng follow-up operation sa Brgy. Sampaga, Balayan ang mga elemento ng pulisya upang arestuhin ang target na si Sape, na sangkot din umano sa mga nakawan sa Balayan at iba pang bahagi ng lalawigan.
Gayunman, nakatunog umano ang suspek at nagtatakbo at habang hinahabol ng mga elemento ng pulisya ay nagpaputok pa ng baril habang nasa gawing mataas na bahagi ng nasabing lugar. Dito na nasapol ng bala sa ulo si Sarhento Macuha na duguang bumulagta sa lugar. Agad naman siyang isinugod sa ospital sa Calaca City bago inilipat sa Balayan Hospital pero namatay rin habang ginagamot.
Matapos ang insidente, agad na tinugis ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Police Intelligence Unit, Batangas Police Provincial Office, at Provincial Mobile Force Company ng Batangas Police ang suspek at nang masukol ay nanlaban umano kaya napatay sa operasyon.
Dahil sa ipinakitang kabayanihang nagawa sa serbisyo, binigyan ng pagkilala ni Region 4 Police Director Brig. Gen. Dominic Bacay si Sarhento Macuha.
- Latest


















