Criminology student sa Quezon huli sa droga
CAMP NAKAR, Lucena City , Philippines — Kulungan ang binagsakan ng isang criminology student matapos na ito ay masakote sa buy-bust operation at nakumpiskahan ng mahigit sa P15,000 halaga ng hinihinalang shabu kamakalawa ng madaling araw sa Purok 3,Barangay Miswa, Infanta, Quezon.
Base sa ulat ni Quezon Police Provincial Office ( QPPO) Director PCol.Romulo Albacea, kinilala ang suspek na si Alyas “Jon,” may sapat na taong gulang at residente ng Barangay Cawayan, Real, Quezon.
Ayon sa imbestigasyon ng Infanta Municipal Police Station, bandang alas-12:30 ng madaling araw nang isagawa ng Infanta DEU ang operasyon laban sa suspek.
Nasamsam sa pag-iingat nito ang tatlong piraso ng heat-sealed na transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na humigit-kumulang 2.32 gramo at may standard drug price na P15,776.00, isang piraso ng P500 bill na marked money, isang pirasong coin purse na kulay navy blue, at isang yunit ng Honda Click na motorsiklo.
- Latest

















