Gilas Boys swak sa quarters

MANILA, Philippines — Naitakas ng Gilas Pilipinas boys ang 72-63 tagumpay kontra sa Syria upang umabante sa quarterfinals ng FIBA U18 Asia Cup kahapon sa Veer Savarkar Indoor Stadium sa Ahmedabad, India.
Pinagpag ng Gilas ang maalat na simula sakay ng alagwa sa fourth quarter upang maikasa ang higanteng duwelo kontra sa China sa quarterfinals ngayon sa hindi pa inanunsyong game time.
Kumamada ng 18 puntos, 3 rebounds, 2 assists, 2 steals at 1 tapal si George Aidan Green habang may 12 at 10 puntos naman sina Jan Bennet Cagurungan at Lino Tubongbanua, ayon sa pagkakasunod, upang trangkuhan ang Nationals.
Nag-ambag din ng tig-8 puntos sina Ethan Mathew Aguas at Luke Edward Atacador para sa mga bataan ni coach Juno Sauler.
Galing sa 2-1 kartada sa Group A ang Gilas upang magtapos sa segunda puwesto at makaharap ang No. 3 seed ng Group B na Syria, na muntikan pa silang masilat matapos ang pambihirang bungad.
Wagi ang Gilas kontra sa Chinese Taipei, 89-88 at Thailand, 91-62, habang taob naman sila sa reigning champion na Australia, 107-69.
- Latest


















