Gilas pukpukan na sa training camp
MANILA, Philippines — Tuluy-tuloy na ang training camp ng Gilas Pilipinas para masigurong nasa perpektong kundisyon ito ilang araw bago ang FIBA World Cup Asian Qualifiers na idaraos sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa kabila ng matinding buhos ng ulan, tuloy ang ensayo ng Gilas kung saan sumalang na ito sa matitinding workout sa SMC practice facility sa Pasig City.
Halos kumpleto na ang Gilas sa training kasama ang nagbabalik na si Kai Sotto at iba pang miyembro ng tropa.
Hindi naglaro si Sotto sa final window noong Pebrero kaya’t magandang pagkakataon ang training camp para muling mabuo ang chemistry nito sa team.
Hindi naman ito magiging problema para kay Sotto dahil kabisado nito ang galaw ng kanyang mga kasama sa Gilas pool.
Importante ang magiging laban ng Gilas sa second round ng qualifiers.
Ang tatlong mangungunang koponan sa bawat grupo ang aabante sa FIBA World Cup proper sa susunod na taon.
Sa kasalukuyan, nasa No. 5 spot ang Gilas sa Group E kasalo ang Syria taglay ang makatulad na 2-4 rekord.
Nangunguna ang Australia na may malinis na 6-0 marka kasunod ang Iran at Jordan na may parehong 5-1 baraha. Ikaapat naman ang New Zealand na may 4-2 kartada.
Kaya naman kailangan ng Pinoy cagers na makuha ang dalawang panalo kontra sa Jordan at Iran para tumaas ang tsansa nitong makapasok sa FIBA World Cup proper.
Haharapin ng Gilas Pilipinas ang Jordan sa Agosto 28 habang makakasagupa nito ang Iran sa Agosto 30.
- Latest



















