^

PSN Showbiz

Teatro panalo, ilalapit sa mga Pinoy!

SHOW-MY - Salve V. Asis - Pilipino Star Ngayon
Teatro panalo, ilalapit sa mga Pinoy!

Bubukas na ang telon sa isa na namang panalong karanasan mula sa Puregold – sa pagkakataong ito, ilalapit ang mundo ng teatrong Pinoy sa mga talentadong artista’t manlilikha.

Bilang pagpapalawak ng layuning itaguyod ang pagkamalikhain ng mga Pilipino, inianunsyo ng Puregold ang pagbubukas ng Teatro Panalo, isang pista ng teatro na layuning makadiskubre, mapaunlad at maitanghal sa entablado ang mga bago at mahuhusay na dula at musikal na may isang yugto, na gawa ng mga Pilipinong mandudula.

Kasama ang Wishbone Collective, Inc. bilang producer at organizer, ipinepresenta nila ang incubation theater festival na ito, isang plataporma kung saan ang mga orihinal na gawa, mula iskrip, ay maaaring maitanghal sa entablado nang may dramaturgical support, suporta sa mga kakailanganin sa produksyon, at kasiguraduhan na magkakaroon ng audience engagement o pagtangkilik mula sa mga manonood.

Labindalawang orihinal na gawa – walong straight play o dula at apat na musikal na gawa–ang mapipili upang makatanggap ng buong produksyon bilang bahagi ng festival, at ang bawat mandudula ay makatatanggap ng Php 100,000.

Matapos ang festival, isang dula at isang musikal ang makatatanggap ng mga full-length development grant, oportunidad na lalo pang umunlad ang sining ng mga likha, at komersyal na produksyon sa kalaunan.

Para sa Puregold, sinasalamin ng Teatro Panalo ang patuloy na paniniwala ng kompanya na ang makabuluhang mga karanasan ay dapat abot-kamay ng karamihan, dahil ito ay tunay na karanasang panalo. “Palaging nariyan ang Puregold sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino,” sabi ni Ivy Hayagan-Piedad, Senior Marketing Manager ng Puregold.                                          Teatro Panalo...

“Sa pamamagitan ng Teatro Panalo, hangad naming manatiling nariyan pa rin, sa isa pang mas makabuluhang paraan, sa pamamagitan ng paglikha ng mga espasyo kung saan maaaring magsama-sama ang mga tao, magpalitan ng mga idea, at makitang mabuhay ang kasiningan ng mga Pilipino sa entablado,” dagdag niya.

Ang inisyatibang ito rin daw ay nakaugat sa pag-unawa nila na ang paglilingkod ay higit pa sa transaksyonal. “Hindi limitado ang paglilingkod sa komunidad sa loob ng aming mga tindahan. Kabilang din dito ang pakikinig sa kung ano ba ang mahalaga sa mga tao, at pagsuporta ng mga karanasan na nakatutulong para maramdaman nilang sila ay nakikita, nakauugnay, at may representasyong tunay na kumakatawan sa kanila.”

Binigyang-diin naman ng direktor ng festival na si Vincent de Jesus na ito ay tungkol sa pangangalaga sa mga artista, at paghahanap ng bagong mahusay na materyal.

Idinisenyo rin ang festival para tulungan ang mga mandudula na makita ang buong potensyal ng kanilang mga likha sa pamamagitan ng kolaborasyon sa mga taga-industriya ng teatro, habang binibigyan din ang mga manonood ng oportunidad na matunghayan ang mga kapana-panabik at bagong kuwentong Pinoy.

Opisyal nang nagbukas ang pagsusumite sa mga bago at propesyonal na mandudulang Pilipino edad 18 pataas sa panahon ng aplikasyon. Maaaring nakasulat sa Filipino o Ingles ang mga entry, at dapat itong orihinal na mga dulang may isang-yugto, maaaring straight play o musikal. Hindi tatanggapin ang mga adaptasyon, pagsasalin, o mga nilikha gamit ang AI o artificial intelligence.

Tumatanggap ang festival ng mga isusumiteng likha mula sa kahit anong genre, na may kahit anong istilo o anyong teatro, kung ito ay orihinal at nilikha para sa 35 hanggang 40 minutong pagtatanghal sa entablado.

Maaaring magsumite ang mga interesadong aplikante hanggang 11:59 p.m. ng Setyembre 11, 2026. Kinakailangang magpasa ng kumpletong iskrip ng dulang may isang yugto, synopsis, logline, development vision, mga dokumentong susuporta sa submission, at para sa mga musikal, mga demo recording.

Iaanunsyo ang paunang listahan ng 16 na dula at walong musika sa Oktubre 6. Iimbitahan ang mga kabilang sa shortlist na ipresenta ang kanilang mga gawa sa Selection Committee sa Oktubre 14 hanggang 16, at ang pinal na listahan ng walong dula at apat na musikal ay iaanunsyo sa Oktubre 16.

Lalahok ang mga mapipiling mandudula sa propesyonal na incubation program ng Wishbone, kung saan magkakaroon ng dramaturgical guidance, suporta sa produksyon, at oportunidad na maitanghal ang gawa sa mga manonood sa kauna-unahang festival, na kasalukuyang nakatada sa Pebrero hanggang Marso 2027.

THEATRO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with