Ruru, nagdarasal ‘pag natutukso sa ibang babae

Walong taon nang magkasintahan sina Bianca Umali at Ruru Madrid.
Nakilala ang pamilya ng aktor na miyembro ng Iglesia Ni Cristo. Matatandaan namang nabautismuhan si Bianca sa INC bago magtapos ang taong 2020.
Ayon kay Ruru ay hindi naman naging hadlang ang kanilang relihiyon ng aktres sa kanilang relasyon kahit noon pa man. “Sinasabi nga po sa amin, bago mo ligawan, better na ang liligawan mo ay Kapatid. Sa mundong ginagalawan natin, sa industriya. Hindi naman po marami ang miyembro ng Iglesia Ni Cristo. Sa sitwasyon po namin ni Bianca, talagang hinintay ko po na sa kanya magmula ‘yung desisyon,” paglalahad sa amin ni Ruru sa Fast Talk with Boy Abunda.
Nagkaroon ng mga limitasyon ang Kapuso actor sa paggawa ng mga proyekto dahil sa pagiging kaanib ng INC. “Of course, challenging siya sa pagiging isang aktor, maraming tao ang naglu-look up sa iyo bilang isang aktor. Nagsisilbing inspirasyon ka at marami po sa tagahanga ko ay miyembro po ng Iglesia Ni Cristo. Hindi naman po sa lahat ng pagkakataon ay mauunawaan nila kung ano ang ginagawa namin bilang isang aktor. Ang ginagawa ko na lang po bago ko gawin ang isang proyekto, nag-uusap-usap kami ng production, ng directors kung ano ‘yung hanggang maaari ay maiwasan. I wouldn’t say na limitasyon siya kasi pwede naman po ‘yung ipagpaalam. Totoo po ‘yon, marami na pong mga bagay ang natanggihan ko just because of my faith. Bawal kaming mag-endorso ng alak, sugal,” pagtatapat ng binata.
Napapanood na ngayon sa mga piling Ayala Cinemas ang pelikulang Hand of God na pinagbibidahan ni Ruru. Isa ito sa mga pelikulang kalahok sa Cinemalaya Film Festival 2026 na maaaring mapanood hanggang Aug. 18. “I would describe this film, espesyal na pelikula dahil the moment na natanggap ko ‘yung tawag mula sa producer and kinuwento niya sa akin ‘kung ano ‘yung istorya nito, hindi na ako nagdalawang-isip na tanggapin ang pelikula na ‘to. Gano’n po kaganda ‘yung materyal. Alam ko kapag Cinemalaya, matapang ang istorya nito. Ang Hand of God po, istorya siya ng pag-asa. Ako po dito si lieutenant Edgardo Reyes, isang bagong sundalo na nagmula sa PMA,” pagdedetalye ng Kapuso actor.
Samantala, nakapaglaro si Ruru kamakailan sa The People Have Spoken. Nabanggit ni Ruru sa episode na pwede pa umanong magbago ang isang cheater. Aminado ang binata na naranasan niya noong maging isang cheater. “I’ll be very honest, Tito Boy. Yeah! Napatunayan, siguro ‘yon ‘yung pinagpapasalamat ko kay Bianca, na kahit na nagkamali ako during that time, I was 20 years old.
“At hindi ko naman po sinasabi na dahilan ‘yung pagkabata ko sa ginawa kong pagkakamali. Siguro itinuturing ko rin po siyang blessing in disguise somehow dahil from there, nakita ko po talaga ‘yung kahalagahan ni Bianca.
“Nag-break kami ng eight months, but now eight years na po kami, tinanggap niya ako ulit. Kaya ko sinasabi na kahit sino naman pong tao, pwedeng magbago, ano man pong klaseng pagkakamali ‘yan.
“Pwede pa rin pong magbago ang tao. Kasi ang Diyos nga natin nakakapagpatawad. Para sa akin ang cheating, choice siya talaga eh. Alam naman po natin sa industriya po natin, napakadaling mag-cheat.
“Hindi lang po sa industriya natin, kahit ano po pong industriya madali pong magkamali. Nasa sa iyo na ‘yon kung gusto mong magkamali. Siguro marami po akong pinanghahawakan sa buhay ko ngayon na, bakit ko pa gagawin ito.
“Una sa lahat, napakaganda ni Bianca. Hindi na ako makakahanap ng tulad niya. Hindi na ako makakahanap ng isang babaeng nagmahal sa akin na katulad ng pagmamahal na ibinibigay niya. Habambuhay ko pong panghahawakan ‘yon. At every time na makakaramdam ako ng mga temptasyon, mananalangin ako,” makahulugang paliwanag ni Ruru.
(Reports from JCC)
- Latest























