Bonoan, tetestigo laban sa malversation case ni Revilla
MANILA, Philippines — Sa darating na Agosto 12 ay tetestigo si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division na may kinalaman sa kasong malversation ni dating Senador Bong Revilla tungkol sa umanoy ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Si Bonoan ay isasalang sa panig ng prosekusyon sa korte kahit na unang tumanggi ang Sandiganbayan na alisin ang hiwalay na kasong graft ni Bonoan para maging witness laban naman sa kaso ni Senador Jinggoy Estrada.
Nais sana ng prosecution team ng Ombudsman na alisin sa talaan ng mga akusado sa graft case sa kapwa akusadong si Estrada para magamit itong state witness sa flood control mess kasama na ang alegasyon ng pagmamani obra umano sa pondo ng bayan ni dating House Speaker Martin Romualdez.
Muling sumalang kahapon sa graft court si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa kasong malversation ni Revilla.
Ayon kay Bernardo, si Bonoan ay may access sa malaking budget allocatios ng DPWH at may kapangyarihan na maglagak ng pondo sa mga mamabatas na humihiling ng proyekto mula rito.
Sinabi ni Bernardo na ang mga mambabatas na ayaw humingi ng alokasyong pondo ay walang matatanggap na kahit? kusing pero ang mga humihiling ng proyekto ay bibigyan ng alokasyon mula sa budget.
Sa testimonya ni Bernardo, sinabi pa nito na si Revilla ang kumausap sa kanya hinggil sa proyekto at nang tanungin umano nito si Revilla sa expected commitment ay sinabi ng dating senador na ito ay dapat na 25 percent.
Niliwanag ni Bernardo na hindi siya nakakuha ng pondo mula sa transaksyon sa Pandi, Bulacan pero inamin na nakakuha siya ng pondo mula sa transaction sa ibang mambabatas.
Sinabi rin ni Bernardo na may 75 percent siyang naibibigay kay Bonoan, na ang 25 percent ay napupunta kay dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral at 25 percent naman ang napupunta sa kanya.
- Latest




















