Pekeng balita, malaking problemang pambansa
LUMALALA ang pagkalat ng mga pekeng impormasyon at balita sa ating bansa. Ayon sa resulta ng pinakahuling sarbey ng Pulse Asia Research, 72 porsyento ng mga Pilipino ay naniniwala na ito’y isang malaking problema. Sa bilang na ito, 32 porsyento ay itinuturing na ito’y isang napakalaking problema; 40 porsyento, medyo malaking problema; 24 porsyento, hindi pa makapagpasya; at 4 porsyento, maliit na problema.
Bagamat higit na nakararami ang naniniwalang problema ang mga pekeng impormasyon at balita, 56 porsyento lamang sa kanila ang nagsisikap na beripikahin ang nakuhang impormasyon. Paano sila napapasang-ayon na totoo nga ang impormasyon o balita na kanilang nabasa o narinig?
Ayon sa sarbey, naririto ang basehan ng marami para ituring na totoo ang isang balita: Kung marami ang naniniwala rito at kung ito ang naunang lumutang na balita. Kaya’t ang labanan ay paramihan at pabilisan na siyang ginagamit na estratehiya ng mga troll farms sa pagkakalat ng mga pekeng balita sa social media upang itaas o ibagsak ang isang personalidad o grupo.
Kapag naglabas ng pekeng balita ang mga bayarang trolls, mabilis at sabay-sabay kung kaya’t marami ang kaagad ay naniniwala. Pero sa tunay na buhay, sa simula’y kakaunti lamang ang naniniwala sa katotohanan. Mas mabilis kumalat ang kasinungalingan kaysa katotohanan. Nagsasapatos pa lamang ang katotohanan ay milya-milya na ang natakbo ng kasinungalingan. Kailanman ay hindi nadadaan sa paramihan at pabilisan ang katotohanan.
Narito ang nagpapalala sa problema: 85 porsyento ng mga Pilipino ay aktibo sa internet. Tayo ang numero unong internet users sa buong mundo. 97 porsyento ng mga Pilipinong internet users ay kumukuha ng balita at opinyon sa internet, lalo na sa FB, kung saan ay laganap ang mga pekeng impormasyon at balita.
Bihira na ang naghahanap ng balita mula sa tradisyonal na media na tulad ng diaryo, TV, at radyo. Ibig sabihin, marami sa ating mga kababayan ay may paniniwala at opinyon na ang naging basehan ay kasinungalingan, sa halip na katotohanan. Sinabi ni Hesus na malalaman natin ang katotohanan at ang katotohanan ang magpapalaya sa atin. Ang katotohanan ay nagpapalaya, samantalang ang kasinungalingan ay umaalipin. Nakalulungkot na napakaraming alipin sa ating lipunan!
Pero isa pang lalong nakalulungkot, marami sa ating mga lider ang mismong pinagmumulan ng mga pekeng impormasyon at balita. Pinipilipit ang katotohanan para manatili sa kapangyarihan. Umiimbento ng mga kuwento para palabasing may kuwenta. Pinagmumukhang totoo ang kasinungalingan para mapanatiling sunud-sunuran ang mga tao.
Nabasa ko ang isang satire tungkol sa isang tiwaling pulitiko. Tinanong siya ng isang reporter, «Congressman, palagay po ninyo ay hanggang kailan mananatili sa kapangyarihan ang inyong pamilya?» Mabilis at walang pag-aalinlangan ang sagot ng pulitiko, «Hangga’t nananatiling bobo ang mga botante.»
Habang malayang pumapailanglang ang pekeng impormasyon at balita sa ating lipunan, mananatiling mauupo sa matataas na puwesto ang mga tiwali at walang alam, magpapatuloy na maghari-harian ang mga mapagbalatkayo at mapanlinlang, lalala pa nang lalala ang ating kahirapan at kamangmangan.
Anumang kasinungalingang pinahihintulutan natin ngayon ay tatanggaping katotohanan ng susunod na henerasyon. Kung wala tayong gagawin ngayon para labanan ang paghahari ng mga pekeng impormasyon at balita, ililibing natin ang Pilipinas sa puntod ng kasinungalingan!
- Latest


















