Giant Risers binawian ng Giant Pandas

MANILA, Philippines —Itinala ng guest team Macau ang kanilang unang panalo sa PBA Season 50 Governors’ Cup matapos resbakan ang Titan Ultra, 132-126, kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nagkadena si import De’Vondre Perry ng 32 points, 22 rebounds, 5 assists at 2 blocks para sa 1-3 record ng Giant Pandas sa Group A katabla ang Giant Risers na bigong maitala ang back-to-back wins.
Umiskor si Ramon Cao ng 28 markers habang may 22 at tig-19 markers sina Jenning Leung, Damian Chongqui at Kobe Lam, ayon sa pagkakasunod.
Walang naiskor si Leung sa first half sa kanyang unang laro para sa Macau na bumangon mula sa isang 18-point deficit sa third period para balikan ang Titan Ultra.
“I felt like we just played harder in the second half. They were more aggressive team in the first half and we just have to turn around and that’s what we did,” wika ni Cao na naglista rin ng 13 boards.
Kinuha ng Giant Risers ang 77-59 abante sa pagsisimula ng third quarter mula sa three-point shot ni import Tirrell Dwayne Brown II bago kumamada ang Macau ng isang 16-5 atake para makadikit sa pagtatapos ng yugto, 94-95.
Humataw ang Macau ng 44 points sa kabuuan ng third period patungo sa pagtatayo ng 116-108 kalamangan mula sa layup ni Perry sa 6:38 minuto ng fourth quarter.
Huling nabawi ng Titan Ultra ang bentahe sa 120-119 sa 1:52 minuto ng laro galing sa dalawang free throws ni Joshua Munzon.
- Latest






















