Pokwang, ayaw na ulit mainlab

Mapapanood na mula Aug. 7 hanggang 18 ang 2 Valid IDs na pinagbibidahan ni Pokwang.
Isa ito sa mga pelikulang kalahok sa Cinemalaya Film Festival 2026. Ayon kay Pokwang ay talagang makare-relate ang mga Pinoy sa istorya ng bagong pelikula.
Mapapanood ang lahat ng pelikulang kalahok sa piling Ayala Cinemas. “Isa po itong kwento ng simpleng mamamayan na si Sylvia, na sumasalamin po sa buhay nating mga Pilipino araw-araw. Si Sylvia po rito ay magsasaka, asawa niya si Tsong Joey Marquez. Nagkasakit po siya, lumuwas kami ng Maynila. Tapos kukunin niya ‘yung remittance galing sa kamag-anak, pampagamot. Maraming makaka-relate talaga dito, Tito Boy. Isa po kami sa magagandang entries ngayong taong ito,” pagbabahagi sa amin ni Pokwang sa Fast Talk with Boy Abunda.
Sa kauna-unahang pagkakataon naman ay naranasan na rin ng komedyana ang makapagbida sa isang stage play. Puspusang paghahanda na ang ginagawa ni Pokwang ngayon para sa Tulog Na The Musical. “Ongoing po ‘yung rehearsal. First time ko ‘to, kinakabahan. Embalsamadora po ako diyan. Iba talaga (ang disiplina sa teatro). It’s a dream come true,” nakangiting pahayag ng aktres.
Samantala, isa si Pokwang sa mga artistang nagpapahayag ng kanyang nararamdaman sa usaping pulitika sa bansa. Para sa komedyana ay ipinararamdam lamang niya sa publiko ang tunay na nararamdaman tungkol sa isyu ng gobyerno sa bansa. “Siguro karapatan ko ‘yon bilang mamamayang Pilipino. As a taxpayer, karapatan natin. Ibig sabihin po niyan, aware ako sa nangyayari sa paligid. Gusto ko po, siyempre ‘yung mga anak ko, ‘yung apo ko, kapag nawala tayong mas matatanda sa mundo, gusto nating iwanan sa kanila ay isang maganda at maayos na gobyerno,” makahulugang paliwanag niya.
Hindi na umano pinapansin ng aktres kapag mayroong online bashers na pumupuna sa kanyang mga post sa social media. Hindi rin nag-a-unfriend si Pokwang ng mga kaibigang taliwas ang paniniwala o paninindigan pagdating sa pulitika. “Dati medyo naaapektuhan ako, pero ngayon bahala kayo diyan. Kung ‘yon ang ikaka-peace ng kanyang mind. Naniniwala kasi ako bilang artista na kasama na talaga ‘yung bashing. Tapos pumasok ka pa sa pulitika, double bashing na ‘yon. Minsan kalmahan na lang nating ang mga reaksyon,” giit ni Pokwang.
Sa ngayon ay walang kasintahan si Pokwang. Matatandaang kontrobersyal ang naging hiwalayan ng aktres at Lee O’Brian noong 2021 pagkatapos ng anim na taong relasyon. Mahigit dalawang taon na ang nakalilipas nang ma-deport si Lee pabalik ng Amerika.
Para kay Pokwang ay kuntento na siya sa buhay kahit walang kasintahan ngayon. “Tatay ko ang importanteng lalaki sa buhay ko. Wala na, nilagyan ko ng barb wire. Ayaw ko na, Tito Boy, kahit anong lahi pa ‘yan. Tahimik ang buhay ko ngayon,” pagtatapos ng komedyana. (Reports from JCC)
- Latest





















