Pag-atake ni Cayetano lalabanan ko – Lacson

MANILA, Philippines — Hindi umano palalagpasin ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang mga pag-atake sa kanya ni Sen. Alan Peter Cayetano na lumampas na sa hangganan.
Partikular na pinalagan ni Lacson ang pag-atake sa kanyang integridad, at sinabi niyang umaasa siya sa mga impormante at saksi na may hawak na impormasyon at ebidensiya na maaaring magdala kay Cayetano sa kulungan.
“My integrity is my first and last line of defense and I will fight to defend it with all my might. Sen. Cayetano has crossed the line by attacking it,” ani Lacson sa isang post sa X, na dating Twitter.
Idinagdag pa niya: “As of this morning, I’m still counting informants and witnesses, directly or through intermediaries, willing to provide information and evidence to put him in his proper place - the Payatas, QC jail.”
Sinabi naman ni Cayetano sa isang Facebook Live broadcast nitong Linggo ng hapon na hindi niya kinukuwestiyon ang integridad ni Lacson kaugnay ng imbestigasyon sa flood control, kundi ang mga taong sangkot dito.
“Hindi po ako ang nag-question ng integrity niya.Buong bayan ang nag-question ng integrity nu’ng tumigil siya mag-imbestiga nu’ng pagdating na doon sa Bersamin files.Maraming pag-uusapan diyan. Marami pang ibang ebidensiya na puwedeng sundin,” ani Cayetano.
Nauna rito, kinuwestyon din ni Cayetano sa Facebook Live broadcast noong Sabado ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) nina Lacson at Senate Blue Ribbon Committee chairperson Erwin Tulfo.
“Kay Senator Lacson, ’di ba, ano ’yung actual? I didn’t really pay that much attention, pero parang dumoble ’yung kanyang SALN,” ani Cayetano.
Itinanggi ni Lacson ang mga paratang at sinabi niyang lehitimo niyang kinita ang kanyang yaman mula sa mga pribadong negosyo.
Sinabi ni Lacson na tumaas lamang ang kanyang kita matapos siyang umalis sa serbisyo publiko, at maaari itong mapatunayan sa pamamagitan ng kanyang mga income tax return.
Bilang tugon, pinaratangan naman ni Lacson si Cayetano na nakapagpasok umano ng bilyun-bilyong pisong budget insertions.
- Latest




















