14-anyos sinaksak ang klasmeyt sa iskul

DASMARIÑAS CITY, Cavite, Philippines — Dahil sa dating alitan, sinaksak ng isang 14-anyos na binatilyo ang kapwa Grade 8 student sa loob mismo ng kanilang eskwelahan sa Dasmariñas City nitong Lunes.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Glen”, 15-anyos, Grade 8 transferee at residente ng Brgy. Sampaloc 4, Dasmariñas City habang ang suspek ay kinilala sa alyas “Ranz”, 14-anyos, kapwa estudyante ng Dasmariñas East Integrated High School, sa Brgy. San Simon, Dasmariñas City, Cavite.
Sa imbestigasyon, nagsimula umano ang alitan ng dalawang estudyante nitong Hulyo 9 at hindi ito agad naayos.
At nitong Hulyo 13, dakong alas-2:15 ng hapon oras ng recess ng mga estudyante ng muling magkita ang dalawa. Lumapit umano ang biktima sa suspek upang kausapin ito subalit bigla na lang umanong bumunot ng patalim at sinaksak ang biktima sa likod.
Nagkaroon ng gulo sa loob ng paaralan na agad namang naawat ng mga guro at dinala sa Pagamutan ng Dasmariñas ang biktima na kasalukuyan ng nagpapagaling.
Dahil sa menor-de-edad ang suspek, siya ay itinuturing na Child at Risk (CAR) at isasailalim sa intervention program ng City Social Welfare and Development (CSWD).
- Latest






















