Jewelry shop hinoldap ng 7: P25 milyong alahas, pera tangay

CAVITE, Philippines — Walang takot na pinasok ng pitong holdaper kahit umagang tapat ang isang jewelry shop at limasin ang tinatayang nasa P25-milyong halaga ng mga alahas at pera sa bayan ng Gen. Mariano Alvarez (GMA), dito sa lalawigan, Lunes ng umaga
Base sa ulat ng pulisya, alas-9 ng umaga nang holdapin ng pitong armadong lalaki ang jewelry shop sa Brgy. San Gabriel, GMA, Cavite.
Ang pagpasok ng mga suspek ay nakunan ng CCTV ng pawnshop.
Sa footage, isang lalaki ang unang pumasok sa loob ng shop at nagpanggap na customer. Tumingin-tingin umano siya ng mga alahas sa estante at kinausap pa ang teller saka nagtanong ng mga presyo.
Minuto lamang, binuksan ng pekeng kustomer ang glass door ng jewelry shop at may tinawag sa labas, hanggang sa sunud-sunod nang pumasok ang mga suspek at agad nagdeklara ng holdap.
Agad tinutukan ng baril ng dalawa sa mga suspek ang mga teller ng jewelry shop habang pinasok ng iba pang suspek ang loob at agad nilimas ang mga alahas na nagkakahalaga ng P22,750,000 na naka-display sa mga glass shelves. Tinangay rin nila ang pera na nagkakahalaga ng mahigit sa P1 milyon.
Minuto lamang ay nalimas ng mga suspek ang mga alahas at pera ng shop saka mabilis na nagsitakas sakay ng dalawang motorsiklo.
Sa kabuuan, mahigit P23-milyong piso ang natangay ng mga suspek.
- Latest

















