Rapido, Black Eagle markado sa Hopeful Stakes race
MANILA, Philippines — Anim na mahuhusay na kabayo ang magtatagisan ng bilis sa 2026 PHILRACOM “3rd Leg Hopeful Stakes Race” na ilalarga sa pista ng Philippine Jockey Club sa Padre Garcia, Batangas sa Hulyo 19.
Posibleng pagtuunan ng pansin ng mga karerista ang Rapido na gagabayan ni reigning Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year Jonathan Basco Hernandez at Black Eagle na papatungan naman ni Conrad P. Henson.
Nakalaan ang P1.5-M guaranteed prize na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa finish line, ang ibang nagsaad ng paglahok ay ang Calling Dexter, Confidence Surge, Little Bitty Boy at Yani Yana Lass.
May distansyang 2,000 meter race ang nasabing karera na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM), sisikwatin ng mananalong kabayo ang P900,000, mapupunta sa pangalawa ang P337,500 habang P187,500 at P75,000 ang third at fourth placers, ayon sa pagkakasunod.
Magbubulsa rin ang breeder ng mananalong kabayo ng P75,000 habang P45,000 at P30,000 ang pangalawa at pangatlo.
Maliban sa nabanggit na stakes race, pakakawalan din sa araw na iyon ang 3-Year-Old Locally Bred kung saan ay may 10 matitikas na kabayo ang naghayag ng paglahok.
Nasa listahan ang Animo Magnolia, California Queen, Crucial, Ikaw Ang Pag Asa, Imagination, Lady Outlaw, Native Public, Solid, Sultan Bell at Youcanbetonme.
Kaya asahang magdadagsaan ang mga karerista sa mismong karerahan at sa mga Off Track Betting stations para maglibang at saksihan ang magagandang laban.
- Latest





















