Make No Mistake bumida sa Araw ng Maynila
MANILA, Philippines — Nambulaga ang dehadong Make No Mistake matapos nitong manalo sa 2026 Araw ng Maynila kahapon sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Hindi nag-apura sa largahan ang hinete ng Make No Mistake na si Claro S. Pare, hinayaan nitong mauna sa largahan ang matutulin na Flywheel, Durian at Lanz In Gray.
Hinawakan ng Flywheel ang bandera ng may apat na kabayong agwat sa pumapangalawang Durian sa kalagitnaan ng karera, tersero ang Lanz In Gray habang pang-apat ang Make No Mistake.
Pagdating ng far turn ay humaharurot na ang Make No Mistake at Lanz In Gray para kapitan sa unahan ang Flywheel.
Papalapit sa huling kurbada ay inagaw na ng Make No Mistake ang unahan sa Flywheel habang ang nasaltong Lanz In Gray ay nagpupumilit na makadikit muli sa dalawang nabanggit na kabayo.
Pagsapit ng rektahan ay beripikadong mananalo ang Make No Mistake dahil umabot na sa limang kabayo ang kanyang lamang sa mga humahabol.
Tinawid ng Make No Mistake ang meta ng may pitong kabayong distansya sa pumangalawang Lanz In Gray, tersero ang Front Runner habang pumang-apat ang Flywheel.
Nirehistro ng Make No Mistake ang tiyempong 1:26.2 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Mary Grace Nool ang P420,000 premyo sa naturang event.
Nasungkit ng Lanz In Gray ang P157,500 habang P87,500 at P35,000 ang third at fourth placers na sina Front Runner at Flywheel, ayon sa pagkakasunod.
- Latest





















