Phillips, Pastrana pararangalan ng CPC
MANILA, Philippines — Nakatakdang parangalan sina Mike Phillips at Kent Pastrana sa 2026 Collegiate Press Corps Awards na gaganapin sa Discovery Suites Manila sa Ortigas, Pasig sa Lunes.
Magniningning ang gabi nina Phillips at Pastrana dahil tatanghalin sila bilang Collegiate Men’s at Women’s Basketball Players of the Year sa event na suportado ng Strong Group Athletics.
Isa sa naging susi si big man Phillips para masikwat ng De La Salle University ang pangalawang korona sa UAAP sa loob ng tatlong seasons, tinalo nila sa finals ang University of the Philippines.
Maugong ang pangalan ni Phillips sa pagpasok nito sa pros at sa national team sa Gilas Pilipinas.
Si Pastrana na isa ring Gilas campaigner ang nangingibabaw naman sa women’s ranks matapos nitong akbayan ang University of Santo Tomas na ibalik sa tuktok sa UAAP.
Bukod kay Phillips ang ibang bibigyan ng award sa men’s elite ay sina Collins Akowe (UST), pambato ng Colegio de San Juan de Letran Jonathan Manalili, Janti Miller ng San Beda University at Far Eastern University cager Janrey Pasaol.
- Latest

















