^

Dr. Love

Nagulantang sa bunging ngipin

Dear Dr. Love - Pilipino Star Ngayon

Dear Dr. Love,

Tawagin n’yo na lang akong Emman, 24. May nililigawan akong katrabaho, si Claire. Todo ang porma at diskarte ko, Dr. Love, at ramdam kong may pag-asa ako.

Kaya lang, nagkasablay sa unang pormal na date namin.

Habang nasa restaurant, nagbiro siya. Sa sobrang benta, humagalpak ako ng tawa nang walang preno.

Nakalimutan kong bungi pala ang isa sa mga ngipin ko sa harap dahil sa basketball noong high school.

Napatigil si Claire, nanlaki ang mga mata, at natitig sa “bintana” ng bibig ko. Bigla akong napapreno sa tawa at napakapit sa panga. Mula noon, umiiwas na siya sa opisina.

Dr. Love, gumuho ang kompiyansa ko. Magre-resign na ba ako sa pag-ibig, o may pag-asa pa ba akong ngumiti sa kanya?

Emman

Dear Emman,

Laugh and the world laughs with you. Ngumiti ka nang bungi, magugulat ang katabi.

Normal lang na mapahiya, pero huwag mong isuko ang puso mo dahil lang sa isang bakanteng lote sa iyong gilagid.

Kung talagang seryoso ang pagtingin sa iyo ni Claire, hindi pader ang isang bungi para hadlangan ang inyong pagmamahalan.

Pero aminin natin, ang unang impresyon ay visual.

Narito ang aking reseta sa iyong bungi at sawing puso, daanin sa “ganti ng katwiran”. Kausapin mo siya.

Huwag kang umiwas na parang may krimeng ginawa. Lapitan mo at sabihin nang may ngiti (na medyo takip ang kamay): “Claire, pasensya ka na nung isang araw, ah?

Nabigla lang ang ngipin ko sa ganda ng biro mo, nauna nang lumabas.” Kung tumawa siya, ligtas ka.

Mag-invest sa sarili, ang pagpapagawa ng ngipin ay hindi lang para sa chicks, Emman, para ‘yan sa kompiyansa mo.

Kung may budget sa date at pang-porma, unahin muna ang pagpapabakod sa dental clinic. Mas pogi ang diskarte kung kumpleto ang armas.

Huwag sumuko. Kung mawala man si Claire dahil lang sa isang ngipin, ibig sabihin ay mababaw ang kanyang pundasyon.

Pero kung mananatili siya, nahanap mo ang babaeng mamahalin ka—bungi ka man o may jacket.

DR. LOVE

EMMAN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with