Cone tiwala sa laban ng Gilas
MANILA, Philippines — Optimistiko si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone sa magiging laban ng kanyang bataan ngayon sa FIBA World Cup Asian Qualifiers na lalaruin sa New Zealand at Australia.
Ito ay dahil mas mahaba ang preparasyon ng Pinoy cagers kumpara sa mga dating training camp ng tropa sa mga naunang windows ng qualifiers.
Nasa Brisbane, Australia na ang Gilas Pilipinas para doon ipagpatuloy ang training camp nito kasabay na ng acclimatization sa malamig na panahon ngayon sa oceania area.
Aminado si Cone na matinding laban ang haharapin ng Gilas Pilipinas sa final window ng qualifiers.
Ngunit handa ang kanyang tropa na makipagsabayan.
At hindi malabong muli itong makakuha ng sorpresang panalo.
“We know it’s gonna be tough. We’re looking forward to it. We’ve been a team that pulls surprises and I’m not gonna be surprised if we pull up surprises,” ani Cone.
Bago tumulak sa Brisbane, sumalang muna sa open practice ang Gilas Pilipinas sa FilOil Arena sa San Juan noong Lunes.
Nais ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na mabilis na makuha ng Gilas ang perpektong kundisyon kaya agad itong ipinadala sa Brisbane.
Bago ang qualifiers, sasalang ang Gilas sa dalawang tuneup games laban sa mga NBL teams.
Umaasa si Cone na ibubuhos ng Gilas ang buong lakas nito sa kanilang laban kontra sa New Zealand sa Hulyo 3 at Australia sa Hulyo 6.
- Latest























