Imago (21)
Hindi na nag-isip si Maya. Pinatatakbo ng purong instinto ng takot, hinablot niya ang isang emergency latch sa dulo ng pasilyo at itinulak ang pinto. Bumungad sa kanya ang malamig na hangin ng hatinggabi sa Gion.
Mabilis siyang lumingun-lingon sa madidilim na eskinita. “Nelson!” bulong niya, pilit hinahanap ng kaniyang mga mata ang kaibigan sa ilalim ng ilaw ng buwan. Ngunit walang tao. Ang mga kalsadang bato ay tahimik at walang pakialam sa kanyang hilakbot. Nilamon na si Nelson ng dilim.
Sa tindi ng panic, tumakbo siya palayo. Bawat hakbang patungo sa kanilang ryokan ay sinasabayan ng isang desperadong panalangin. Matalino si Nelson. Malakas siya. Siguradong nakatakas siya at nauna lang sa tinutuluyan namin. Kumapit siya sa ilusyong ito dahil ang katotohanan ay masyadong marahas para tanggapin.
Hingal na hingal na binuksan ni Maya ang sliding door ng kanilang silid. “Nelson!”
Katahimikan ang sumalubong sa kanya. Walang sumagot.
Ang silid ay eksakto kung paano nila ito iniwan: ang mga gamit ni Nelson na maayos na nakasalansan sa sahig, ang kanyang extrang jacket, at ang malamig na hangin mula sa nakabukas nang bahagya na bintana. Walang Nelson na naghihintay.
Doon tuluyang binalot si Maya ng kawalan ng pag-asa. Napasandal siya sa pinto at dahan-dahang napaupo sa sahig, yakap ang kanyang tuhod. Nasa loob siya ng isang banyagang bansa, walang kakampi, at ang bawat sulok ng silid na iyon ay tila pinapanood na siya.
(Itutuloy)
- Latest















