Dalaga todas sa selos ng nobyo!

Pinukpok ng bato sa ulo
MANILA, Philippines — Kalunus-lunos ang sinapit na kamatayan ng isang 22-anyos na babae matapos pukpukin ng bato sa ulo ng sariling pinsan na sinasabing karelasyon nito sa Bgy. Malasin, San Jose City, Nueva Ecija.
Ayon sa San Jose City Police, pasado alas-2 ng madaling araw noong Mayo 20 nang maganap ang krimen.
Ang biktima ay mula sa Lupao, Nueva Ecija habang ang suspek ay isang 27-anyos na lalaki mula sa San Jose City.
Ayon sa pulisya, nag-inuman ang biktima, pinsan nito, nobyong suspek, at isa pa nilang kaibigan.
Makalipas ang ilang sandali, sinabi umano ng biktima na siya ay nagugutom kaya niyaya siya ng nobyo na kumain.
Sa kuha ng CCTV, makikitang umalis ang dalawa sakay ng isang motorsiklo at nakita sa isa pang CCTV footage ang pagdaan ng dalawa sa isang kalsada patungo sa bahagi ng irigasyon.
Ilang minuto lamang ang lumipas nang bumalik ang suspek sakay ng motorsiklo na mag-isa na lang at wala na ang angkas na biktima.
Umaga ng Miyerkules ay natagpuan ng mga taong nagjo-jogging ang bangkay ng biktima sa tabi ng irigasyon.
Ayon sa pulisya, nagtamo ng sugat sa likod ng ulo ang biktima na hinihinalang dulot ng pagpukpok gamit ang matigas na bagay.
Kaagad na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga pulis at sa tulong ng mga kuha ng CCTV ay natunton ang suspek.
Dito na umano umamin ang suspek at sinabing pinukpok niya ng bato ang ulo ng biktima dahil umano sa selos.
Inamin umano ng suspek na may relasyon sila ng biktima kahit sila ay magpinsang buo.
Nasa kustodiya na ng San Jose City Police ang suspek at takdang kasuhan ng murder.
- Latest

























