Lady Bulldogs mabagsik pa rin
MANILA, Philippines — Naibalik ng defending champion National University ang bagsik nito matapos lumagapak laban sa University of the Philippines noong nakaraang linggo sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament.
Mabilis na nakabangon ang Lady Bulldogs kaya naman hindi na nito hinayaan pa na maulit pa ito.
Inilabas ng NU ang bangis nito upang pigilan ang Far Eastern University sa paghahabol nito at makuha ang 25-22, 24-26, 26-24, 25-18 panalo.
Matatag ang kapit ng NU sa solong pamumuno tangan ang 9-1 rekord.
Pangunahing naging sandalan ng NU si Season 86 Finals MVP Alyssa Solomon na humataw ng season-high 30 points kabilang ang 26 attacks.
“Maganda rin na nangyari yung natalo kami sa UP kasi naging wake-up call siya sa amin na hindi kami dapat maging complacent kahit kami ang number one,” ani Solomon.
Matapos ang laro, mabilis itong kinalimutan ng Lady Bulldogs upang muling maibalik ang bangis sa kanilang mga mata.
Kabilang sa mga tinutukan ng NU ang floor defense kung saan nagtala ito ng 61 digs at 38 receptions kontra sa FUE.
“Yung floor defense yun ang nagkulang kami last time. Kaya sa laro namin against FEU talagang maganda depensa namin. Mas mabilis kami ngayon kumpara nung UP game,” ani Solomon.
- Latest