Imee Marcos kumalas na sa Alyansa dahil sa Duterte arrest

MANILA, Philippines — Dahil umano sa ginawa ng administrasyon sa pagkakaaresto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay tuluyan nang kumalas si Sen. Imee Marcos sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, ang kowalisyon na ini-endorso ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Marcos na hindi na niya kayang mangampanya at tumuntong sa iisang entablado kasama ang iba pang kasapi ng Alyansa.
Sinabi ni Marcos na may mga natuklasan siya na ginawa ng administrasyon tungkol kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na salungat sa kanyang mga paninindigan at prinsipyo.
Ayon pa kay Marcos, mananatili siyang independent sa pagtakbong muli sa Senado.
Higit aniya sa anumang pulitikal na pakinabang, dapat manaig ang soberanya ng bansa at ang tunay na katarungan para sa bawat Pilipino.
Idinagdag ni Marcos na mistulang nagtatago ng mahahalagang katotohanan ang mga opisyal ng gobyerno na palaging isinasangkalan ang executive privilege at sub judice rule sa mga tanong tungkol sa paghuli kay Duterte at pagdala sa The Hague.
Minaliit din ni Marcos ang katuwiran na sumusunod lamang ang Pilipinas sa pandaigdigang kasunduan dahil ang nasabing pahayag ay lalo lamang nagpalakas sa mga hinalang maraming nalabag sa Saligang Batas.
- Latest