EDITORYAL — Sistemang offloading ng BI sa mga pasahero
KINUWESTIYON ni Sen. Raffy Tulfo noong Miyerkules ang ginagawang offloading ng Bureau of Immigration (BI) sa mga Pilipinong nais maglakbay sa ibang bansa kahit mayroon silang aprubadong visa.
Ang pagkuwestiyon sa BI ay itinaon sa deliberasyon ng panukalang 2027 budget ng Department of Justice (DOJ). Mariing tinanong ni Tulfo sa BI kung bakit may mga pasaherong pinipigilang makaalis ng bansa gayong dumaan na sila sa mahigpit na proseso ng pagkuha ng visa.
Sagot ng BI, may mga pasahero umanong kahina-hinala ang dokumento at bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa human trafficking. Kailangan umano ang masusing pagsisiyasat sa mga pinipresentang dokumento.
May punto naman ang BI. Layunin nila na maprotektahan ang mga Pilipino laban sa human trafficking at illegal recruitment ngunit hindi dapat maging dahilan ito upang pigilan sa paglalakbay ang mga lehitimong travellers.
Hindi biro ang perang ginagastos sa pag-apply ng visa, pagbili ng ticket sa eroplano at pagpapareserba ng hotel. Ang ilan ay ilang buwan o taon pang nag-iipon upang makapagbakasyon sa ibang bansa.
Kaya nararapat suportahan ang Senate Bill No. 1657 na inihain ni Tulfo noong Enero, na naglalayong maibalik ang nagastos ng mga pasaherong hindi makatarungang na-offload o naiwan ng eroplano dahil sa labis na tagal ng immigration interview.
Gayunman, hindi sapat ang pagbibigay ng reimbursement. Kailangang repasuhin mismo ng BI ang mga umiiral nitong proseso at pamantayan sa pagsusuri ng mga pasahero.
Dapat magkaroon ng malinaw na listahan ng mga kinakailangang dokumento, makatwirang limitasyon sa tagal ng interview at nakasulat na paliwanag kung bakit hindi pinayagang makaalis ang isang pasahero.
Dapat ding magkaroon ng pananagutan ang mga opisyal na umaabuso sa kanilang awtoridad.
Sa paglaban sa human trafficking, higit ding dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang pagtugis sa mga sindikato at illegal recruiter sa halip na magdulot ng pagdududa sa mismong mga mamamayang nais nitong protektahan.
Hindi dapat maging kalbaryo para sa isang Pilipino ang paglabas sa sarili niyang bansa.
Tungkulin ng BI na protektahan ang kapakanan ng mga Pilipino, ngunit kaakibat nito ang paggalang sa kanilang kalayaang maglakbay, dignidad at karapatan. Hindi sila dapat makaranas nang pagpapahiya.
- Latest




















