P159 million floating cocaine nalambat sa Cagayan

MANILA, Philippines — Umaabot sa P159 milyong halaga ng pinaghihinalaang cocaine ang nadiskubre at nalambat ng apat na mangingisda sa karagatan ng Aparri, Cagayan nitong Sabado, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 2 Director Gil Cesario Castro, ang mga narekober na illegal na droga ay nakasilid sa 26 rectangular packs na
selyado sa transparent vacuum packaging.
Ang pinaghihinalaang cocaine packages ay tumitimbang ng 30.15 kilo na isinuko sa kanilang tanggapan, alas-10:30 ng umaga.
Base sa report, kasalukuyang namamalakaya sa karagatan ng Aparri ang apat na mangingisda nang mabulaga sa mga nakalutang na rectangular packs kaya agad nila itong kinuha at isinakay sa kanilang mga bangka.
Agad namang nakipag-ugnayan sa mga awtoridad ang apat na mangingisda, pawang ng Brgy. Sanja, Aparri at isinuko sa PDEA Regional Office 2 ang nasabing nadiskubreng droga.
Kaugnay nito, iniimbestigahan na ng PDEA ang posibleng koneksyon ng international drug trafficking syndicate sa nakuhang 30.15 kilong cocaine sa karagatan ng Aparri, Cagayan.
Sinabi ni Castro na patuloy nilang inaalam ang pinagmulan ng droga, kung saan ito patungo bago natagpuang palutang-lutang sa karagatan at kung may koneksyon ito sa isang international drug network.
- Latest


















