Back-to-back wins ng Giant Pandas

MANILA, Philippines — Umeskapo ang Macau kontra sa Terrafirma, 96-962, para sa maugong na pagtatapos ng kampanya nito sa 1st round ng PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Binura ng Giant Pandas ang maagang 15-puntos na tambak kontra sa Dyip sa likod nina Kobey Lam at Damian Chongqui para sa kanilang ikalawang sunod na panalo matapos ang maalat na 0-4 simula sa Group A.
Swak ang fastbreak lay-up ni Lam sa huling 4.1 segundo bago ma-rebound ang sariling sablay sa freethrow na nagbigay-daan sa 2 pang-selyong free throws ni Chongqui nang sumablay sa panabla sanang four-point si Juami Tiongson.
“We knew that this is one of the games that if we’re gonna make the playoffs, we have to get this one and the next few games,” ani Macau mentor Marcus Elliot papasok sa 2nd round. “There’s still a couple of games so it’s big for our confidence.”
May iniindang magkaibang injuries sina De’Vnode Perry at Chongqui subalit pinagpag lang ito nang umariba sa 34 at 29 puntos, ayon sa pagkakakasunod.
Nagdagdag ng 14 rebounds, 2 assists at 2 steals ang import na si Perry habang may 3 assists at 3 steals din si Chongqui para sa all-round performance.
Nagdagdag naman ng 12 puntos si Lam kabilang na ang go-ahead basket habang may 9 at 8 puntos sina Ramon Cao at Jenning Leung, ayon sa pagkakasunod, para sa guest team ng PBA sa 50th golden anniversary nito.
Kagagaling lang ng Giant Pandas sa 132-126 tagumpay kontra sa Titan Ultra kaya hindi nagpatinag kahit pa matulog muna sa pansitan sa 1st half nang maiwan sa hanggang 17-32.
Unti-unting binaklas ng Macau ang naipundar na puhunan ng Terrafirma hanggang sa makaungos sa 72-66 sa third quarter.
Pukpukan ang 2 koponan buhat doon tampok sana ang tsansa pa ng Dyip sa game-winner bago maagaw ni Leung ang bola mula kay Maverick Ahanmisi na nagresulta sa transition lay-up ni Lam.
Kumamada sina Justin String, Ahanmisi at Tiongson ng 34, 20 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Dyip na nakatabla sa 2-4 kartada ang Giant Pandas.
Samantala, isasalang ng nagdedepensang TNT Tropang 5G (2-2) si Rahlir Hollis-Jefferson para palitan ang overweight na si Darius Days.
- Latest



















