Pugante na kasapi ng Mangoda Crime Group, timbog sa Bulacan

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Arestado ang puganteng umano’y miyembro ng criminal group nang mahulihan ng P102,000 halaga ng iligal na droga at baril sa buy-bust operation ng pulisya sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Dondon” , miyembro ng “Mangoda” crime group na umano’y sangkot sa gun-for-hire activities, gun running at illegal drug trade sa lalawigang ito.
Sa report ni SJDM chief of police PLTCOL Edlimar Alviar kay Bulacan Police director PCOL Satur Ediong, naganap ang operasyon bandang alas-8:00 ng gabi nitong Marso 22 sa Brgy. Graceville.
Ayon sa report, nakumpiska sa operasyon ang apat na plastic sachets na pinaghihinalaang shabu na nagkakahalagang P102,000, caliber .45 na may anim na bala at buy-bust money.
Ayon sa imbestigasyon, si Dondon ay pangunahing suspek sa pamamaril sa isang alyas “Rom” at kabilang sa mga bilanggong tumakas sa SJDM Custodial Facility noong June 2, 2024.
Humihimas na uli ng rehas na bakal sa naturang istasyon ang naarestong pugante na nahaharap sa karagdagang kaukulang kaso.
- Latest