Creamline paborito kontra Farm Fresh

MANILA, Philippines — Nasa kanilang ika-16 finals appearance, puntirya ng nagdedepensang Creamline ang pang-12 korona.
Sasagupain ng paboritong Cool Smashers ang dehadong Farm Fresh Foxies ngayong alas-6 ng gabi sa Game One ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series best-of-three championship series sa Philsports Arena sa Pasig City.
Sa unang laro sa alas-3:30 ng hapon maghaharap ang Nxled Chameleons at Choco Mucho Flying Titans sa kanilang sariling serye para sa bronze medal.
Tinalo na ng Creamline ang Farm Fresh, 25-19, 25-18, 25-18, sa una nilang pagtutuos sa elimination sa agawan para sa No. 2 spot at ‘twice-to-beat’ incentive sa semifinals noong Nobyembre 21.
Hindi na nagamit ng Cool Smashers ang kanilang ‘twice-to-beat’ advantage nang talunin kaagad ang No. 3 Flying Titans sa semis, 21-25, 25-17, 25-17, 25-23.
Dalawang beses namang pinadapa ng No. 4 Foxies ang No. 1 Chameleons, 27-25, 21-25, 25-18, 19-25, 15-13, at 26-24, 25-16, 23-25, 17-25, 15-11, papasok sa kauna-unahan nilang PVL Finals appearance matapos pumasok sa liga noong 2023.
“Paulit-ulit man namin sabihin na one hundred percent effort ibibigay namin, but I think we’re trying to remember na one hundred percent effort, doesn’t mean one hundred percent perfection,” ani Creamlline setter Jia de Guzman.
Muling makakatulong ni de Guzman sina Jema Galanza, Tots Carlos, Alyssa Valdez, Bernadeth Pons, Bea de Leon, Pangs Panaga at libero Kyla Atienza.
“We’re really happy to be back in the finals. I’m just glad na nandito kami, buo ang team. Kahit nahihirapan kami, inilaban namin. So we’re excited for the championship,” ani Carlos matapos talunin ang Choco Mucho.
Hangad naman ng Farm Fresh na makalapit sa kanilang pinapangarap na unang PVL crown.
“Ako, personally, hindi ko alam ‘yung feeling sa Finals pero for sure mag-e-enjoy ako doon so talagang lalaban ako, lalaban kami for that very first time ko sa finals,” sabi ni star hitter Trisha Tubu na muling makakatuwang sina Royse Tubino, Ara Galang, Ces Molina, Mylene Paat-Rezanova, Roselyn Doria-Aquino, rookie Jonna Perdido, libero Maicah Larroza at Fil-Am setter Alohi Robins-Hardy na nakatakdang magretiro.
- Latest


















