AICS guarantee letter tigil na sa Nobyembre 30 - DSWD

MANILA, Philippines — Pansamantalang ititigil ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pag-iisyu ng guarantee letters (GL) sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) simula Nobyembre 30, 2026, upang bigyang-daan ang taunang liquidation at pagbabayad sa mga service provider.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary at spokesperson Irene Dumlao, kailangang makumpleto ng ahensiya ang mga obligasyong pinansyal nito bago muling ipagpatuloy ang programa sa susunod na taon.
Tiniyak naman ni Dumlao na hindi nangangahulugan ang suspensiyon ng pagtigil sa pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan. Patuloy na tatanggap ng mga kliyente ang mga DSWD Field Office at satellite office sa buong bansa para sa agarang tulong pinansyal o outright cash assistance sa ilalim ng AICS.
Inaasahang magbabalik ang pag-iisyu ng guarantee letters sa unang opisyal na araw ng trabaho ng DSWD sa Enero 2027. Hinimok naman ng ahensiya ang publiko na subaybayan ang mga opisyal nitong komunikasyon para sa iba pang anunsyo kaugnay ng programa.
- Latest

















