‘Fire effect’ lumitaw sa Senate live stream habang nagdarasal si Alan Peter
MANILA, Philippines – Iniutos ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na tanggalin at i-edit mula sa mula sa opisyal na livestream at records ang isang “flame o fire transition effect” na biglang lumabas sa screen habang nagdarasal si Senator-judge Alan Peter Cayetano.
Naganap ito noong Huwebes sa pagbubukas ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, alas-10:03 ng umaga na kung saan habang nakapikit at nagdarasal si Sen. Alan Peter ay biglang nagkaroon ng visual effect na apoy sa opisyal na livestream ng Senado.
Pinagsabihan ni Escudero ang Senate Public Relations and Information Bureau (PRIB) sa pamamagitan ng Clerk of Court na maging mas maingat sa paggamit ng mga scene transition sa broadcast ng paglilitis.
Ayon kay Escudero hindi angkop at hindi katanggap-tanggap ang epekto ng apoy sa pormal at solemne na katangian ng impeachment proceedings.
Naglabas ng pahayag at paghingi ng paumanhin ang Senate PRIB at sinabing ang insidente ay dulot lamang ng isang hindi inaasahang technical issue sa broadcast. Tiniyak din nilang nagsasagawa sila ng equipment upgrades at retraining para sa kanilang technical staff.
- Latest




















