4 sugatan, 60 pamilya nasunugan sa Parañaque
MANILA, Philippines — Sugatan ang apat habang umabot sa 60-pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na sumiklab sa Parañaque City, Linggo ng umaga.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na nakaapekto sa 30 kabahayan at establisyemento sa Brgy. San Antonio, Parañaque City na nagsimula dakong alas-5:44 ng umaga sa ikalawang palapag ng isang bahay sa Linotype St., Fourth Estate Subdivision.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection Parañaque, idineklarang fire under control dakong alas-7:33 ng umaga at ganap na naapula alas 8 ng umaga.
Ginamot naman ng mga volunteers mula sa Philippine Red Cross ang apat na nagtamo ng sugat at paso.
Ayon sa ulat, rumesponde rin ang Parañaque City Disaster Risk Reduction and Management Office, City Environment and Natural Resources Office, fire volunteers, at ilang responder mula sa mga lungsod ng Muntinlupa, Las Piñas, at Makati.
Kinakalinga ng Parañaque City government ang mga apektadong pamilya sa evacuation center ng Brgy San Antonio at pinadalhan kaagad ni Mayor Edwin Olivarez ng mainit na pagkain at iba pang mga pangunahing pangangailangan.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga arson investigator upang alamin ang pinagmulan ng sunog na umabot sa tinatayang P150,000 halaga ng mga ari-arian.
- Latest


















