Hirit ng mga mangingisda, Fisheries Code amyendahan
Para dumami, bumaba presyo ng isda
MANILA, Philippines — Nanawagan ang mahigit 100 mangingisda, mamimili at iba pang grupo sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na amyendahan ang Fisheries Code of the Philippines upang maparami ang suplay ng isda, mapababa ang presyo at mapalakas ang lokal na industriya ng pangingisda.
Nagsumite ng manifesto ang grupo kay BFAR National Director Elizer S. Salilig sa tanggapan ng ahensiya sa Quezon City, kung saan hiniling nilang alisin ang pangkalahatang pagbabawal sa komersyal na pangingisda sa municipal waters at ibatay sa siyentipikong pag-aaral ang pagtukoy sa mga lugar na maaaring pangisdaan.
Iginiit nilang dapat igalang ang desisyon ng korte kaugnay ng ilang probisyon ng Republic Act 8550 o Fisheries Code at 15-kilometrong pagbabawal sa komersyal na pangingisda. Hiniling din nilang ibasura ang mosyon ng BFAR para sa muling pagsasaalang-alang sa naunang desisyon ng Korte Suprema.
Ayon sa grupo, hindi sapat ang huli ng maliliit na bangka na umaabot lamang sa 10 kilo bawat biyahe upang matugunan ang pangangailangan ng bansa. Hiniling nila sa DA at BFAR na tulungan ang maliliit na mangingisda, pagbutihin ang cold storage at transportasyon, at maglatag ng kongkretong plano upang matiyak ang sapat at murang isda sa pamilihan.
- Latest

















