Padilla sisipot sa ‘Bato escape’ probe ng DOJ

MANILA, Philippines — Tiniyak ni Senador Robin Padilla na haharap siya sa pagpapatuloy ng preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) sa Nobyembre 27 kaugnay ng reklamong obstruction of justice na isinampa laban sa kanya dahil sa umano’y pagtulong kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. Matapos dumalo sa pagdinig noong Biyernes, sinabi ni Padilla na kasama ang kanyang abogado na si Atty. Henry Balteza, naisumite na nila ang kanilang 33-pahinang counter-affidavit bilang sagot sa reklamo.
Ayon sa senador, nanumpa siya sa nilalaman ng dokumento at iginiit na pawang katotohanan ang mga nakasaad dito.
Aniya, wala siyang ikinababahala sa mga alegasyon laban sa kanya. Bagama’t maaaring tumapat sa Senate session o impeachment proceedings ang susunod na pagdinig, sinabi ni Padilla na hindi niya ito magiging dahilan upang hindi humarap sa DOJ. “Babalik pa ako sa November 27. Kailangan akong pumunta rito. Ibang sangay ito ng gobyerno kaya kailangan natin itong igalang. Kailangan ko ring sumipot,” ani Padilla.
Muli ring iginiit ng senador na walang sapat na batayan ang reklamong isinampa laban sa kanya dahil wala namang umiiral na warrant of arrest mula sa lokal na korte laban kay Dela Rosa nang umangkas ito sa kanyang sasakyan.
Nag-ugat ang reklamo sa alegasyong tinulungan umano ni Padilla si Dela Rosa na makaalis sa Senado noong Mayo upang makaiwas sa ipatutupad na warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC).
- Latest

















