Romualdez, may personal staff sa selda - BJMP
MANILA, Philippines — Pinapayagang makapasok sa selda ni Leyte Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez ang kanyang personal staff habang nakapiit sa New Quezon City Jail.
Ito ang kinumpirma ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pagdinig ng Third Division ng Sandiganbayan nitong Huwebes.
Sinabi ni Jail Superintendent Maria Lourdes Pacion na pinapayagan ng BJMP ang ganitong arrangement kung kinakailangan ng isang persons deprived of liberty (PDL) ang tulong medikal.
Ayon kay Pacion, nakabatay sa bawat kaso ang naturang pahintulot at nasa pagpapasya ng warden kung kinakailangan ito para sa isang detenido.
Tinanong din si Pacion kung mayroon nang ibang bilanggo na nabigyan ng katulad na pahintulot.
Sinabi naman niyang may mga naunang pagkakataon na pinayagan ang bedside care, ngunit kinumpirma niyang si Romualdez lamang ang kasalukuyang may personal staff na pinapapasok sa kaniyang selda.
Binigyang-diin naman ni Associate Justice Karl Miranda, chairperson ng Third Division, na hindi dapat magresulta sa hindi pantay na pagtrato sa mga bilanggo ang mga pribilehiyong ipinagkakaloob sa loob ng kulungan.
Kinuwestiyon din ng korte ang mga ulat na umano’y nakalalabas si Romualdez sa New Quezon City Jail.
Mariing itinanggi ni Pacion ang mga alegasyong umalis sa detention facility ang dating House Speaker, sumakay ng ambulansiya o gumamit ng iba pang sasakyan habang nasa kustodiya ng BJMP.
Ayon sa kaniya, nananatili si Romualdez sa loob ng kanyang selda at paminsan-minsan lamang nagtutungo sa “sunning area” ng pasilidad.
- Latest

















