Maymay, may anthem para sa mga pagod

Naghahangad ng tapat na pag-ibig sa kabila ng mixed signals at panandaliang relasyon ang singer-actress na si Maymay Entrata sa bago niyang single na Sinta.
Isinulat ni Maymay ang dance-pop track kasama sina ABS-CBN Music creatives, content, and operations head Jonathan Manalo at Nhiko Sabiniano ng Nameless Kids.
Si Jonathan rin ang nagsilbing producer ng kanta. Sa mensahe nito, ipinapaalala ng Sinta na karapat-dapat ang bawat isa sa isang pag-ibig na tapat, sigurado at pangmatagalan.
Ito ang ikatlong single ni Maymay ngayong taon, kasunod ng What We Love at Masunog Man, na nagpakita ng kanyang mga pananaw tungkol sa pag-ibig at buhay sa pamamagitan ng dance-pop at pop-rock na tunog. Isinumite rin ni Maymay ang Masunog Man bilang For Your GRAMMY® Consideration sa Best Asian Pop Music Performance sa 2027 Grammy Awards.
Kasunod ng tagumpay ng kanyang mga awiting tulad ng AMAKABOGERA, Puede Ba, Tsada Mahigugma at Paradise, patuloy na ipinapakita ni Maymay ang talento bilang singer-songwriter sa pamamagitan ng mga kantang may relatable na mensahe.
Unti-unti ring gumagawa ng ingay ang StarPop artist sa international music scene. Nakakuha ng nominasyon si Maymay bilang Best Asia Act sa MTV Europe Music Awards at inawit niya ang Nasaan Ang Hiling, ang Filipino version soundtrack ng Disney film na Snow White.
Tampok din siya sa isang Times Square billboard para sa Spotify EQUAL campaign at sa It Goes to 11 series ng Recording Academy, kung saan bumisita siya sa Grammy studio at ibinahagi ang kanyang musical journey sa international audience.
Napapakinggan na ang Sinta sa iba’t ibang digital streaming platforms.
- Latest
























