Pulis sugatan sa lalaking nanakit ng aso
MANILA, Philippines — Sugatan ang isang miyembro ng Taguig City Police Station matapos batuhin at tangkaing saksakin ng isang lalaki na inakusahang nanakit ng aso gamit ang patalim sa Taguig City, madaling araw ng Biyernes, Oktubre 31.
Isinugod sa Taguig-Pateros District Hospital ang pulis na nagtamo ng sugat sa kamay at mga pasa sa katawan dahil sa pambabato ng suspek na kinilalang si alyas “Vincent”, 34, isang construction worker.
Batay sa ulat, naganap ang insidente madaling araw ng Oktubre 31 sa JP Rizal Extension, Brgy. Cembo, Taguig City.
Ayon sa imbestigasyon, humingi ng tulong ang Brgy. Northside sa Sub-Station 11 upang habulin ang isang lalaking umano’y nanakit ng aso gamit ang patalim.
Nang puntahan ng mga pulis ang suspek, nakita itong may hawak na kutsilyong may habang 15 pulgada. Nang sitahin, kumuha umano ito ng bato at ipinukol sa pulis bago tinangkang saksakin.
Agad namang naagaw ng mga awtoridad ang kutsilyo at kinumpiska bilang ebidensiya.
Nananatili sa ospital ang suspek habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Animal Welfare Act at mga probisyon ng Revised Penal Code, kabilang ang direct assault, disobedience to a person in authority, at alarms and scandals.
- Latest

















