TRB handa na sa dagsa ng motorista sa Undas
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Toll Regulatory Board (TRB) ang kahandaan nito sa inaasahang pagdami ng mga motorista sa mga expressway ngayong Undas 2026 sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga serbisyong pangkaligtasan at pagtugon sa mga insidente sa kalsada.
Ayon kay TRB spokesperson Julius Corpus, ipatutupad ang “Oplan Biyaheng Ayos” mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko. Mananatiling bukas ang lahat ng toll gate upang maiwasan ang pagsisikip.
Magde-deploy din ng mga tauhan upang tumulong sa mga motorista na makararanas ng problema sa kanilang radio frequency identification (RFID) tags, gayundin ng karagdagang patrol vehicles, tow trucks, fire trucks, ambulansiya, at incident response teams.
Magtatalaga rin ng mga tauhan sa mga service station at stopover upang pangasiwaan ang trapiko at matiyak ang kalinisan at kaayusan ng mga pasilidad.
Magiging available din ang libreng towing at repair services para sa mga sasakyang masisiraan habang bumibiyahe.
Inaasahang dadami ang mga biyaherong uuwi sa kanilang mga lalawigan upang dalawin ang puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa Nobyembre 1 at 2. Pinapayuhan ang mga motorista na planuhin ang biyahe at tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan bago bumiyahe.
- Latest

















