Child actor kritikal sa pananaksak
MANILA, Philippines — Inoobserbahan ngayon ang kondisyon ng batang aktor na si Angelo Teves na walong beses na sinaksak ng kaibigang 15-anyos na lalaki sa Brgy. Payatas, Quezon City.
Si Teves, 13-anyos, na gumanap na batang Kelvin Miranda bilang Adamus sa Encantadia Chronicles: Sang’gre ng GMA-7 at batang Manuel Quezon Jr. sa Quezon ay kasalukuyang nasa Intensive Care Unit (ICU) sa Quezon City General Hospital matapos tamaan ang spleen at bituka nito.
Nitong Linggo, sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) District Director, PBGen Christopher Olazo na kasong Frustrated Murder ang isinampa laban sa 15-anyos na suspek na Child in Conflict with the Law (CICL).
Ayon sa ulat kay Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13) chief, PLt. Col Rowena Amata, naganap ang insidente bandang alas-4:30 ng hapon noong Lunes (Oktubre 12), malapit sa Golden Shower Basketball Court.
Sinaksak umano ng suspek ang biktima, na nagresulta sa mga sugat sa tiyan, ibabang bahagi ng likod, at kaliwang braso, bago tumakas mula sa lugar.
Naaresto ng mga operatiba ng PS 13 ang suspek bandang alas-6:59 ng gabi sa parehong araw.
Matapos ang inquest proceedings noong Oktubre 13, inilagay ang CICL sa kustodiya ng Molave Youth Home.
- Latest





















