Balde, hindi sapat sa Super El Niño - Sara
MANILA, Philippines — Iginiit ni Vice President Sara Duterte na hindi sapat ang balde lamang para paghandaan ang posibleng impact ng Super El Niño sa bansa.
Tugon ito ng bise presidente sa unang mungkahi ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na bumili ang mga tao ng mga balde upang magamit sa pagkolekta ng tubig, sakaling tuluyan nang manalasa ang Super El Niño.
Ayon kay VP Sara, kailangan ng mas kumprehensibong preparasyon para sa inaasahang posibleng tagtuyot na maaari aniyang makaapekto sa mga magsasaka, mangingisda, agrikultura at power supply ng bansa.
Ani VP Sara, tinawag ito ng mga eksperto bilang Super El Niño, na ang ibig sabihin ay magiging napakainit at posibleng matuyo ang mga lupa at ilog.
“Mao nang dili na siya madala og balde lang, dako siya nga problema. Kay ngano man? Ug mauga ang yuta, magkaproblema ang agrikultura kay madaot man atoang ani,” aniya pa, na ang ibig sabihin ay “Kaya hindi sapat na balde lang. Isa itong malaking problema. Bakit? Kapag natuyo ang lupa, magkakaroon ng problema sa agrikultura dahil masisira ang ating mga pananim.”
Dapat aniyang maging handa ang mga magsasaka upang malampasan ang tagtuyot, at magkaroon ng contingency plan para sa posibleng disrapsiyon ng suplay ng tubig sa mga irigasyon.
“Ug di makaandam atong mga mag-uuma sa ilahang planting materials, na mu-survive og uga or drought, ug sa ilahang pagpangandam kung wala nay tubig ang irigasyon. Ug dili sila makaandam og ingon ana, madaot ang atoang food supply. (Kung hindi makapaghanda ang ating mga magsasaka ng mga pananim na kayang mabuhay sa tuyong kondisyon o tagtuyot, pati na rin ang posibilidad na mawalan ng tubig ang irigasyon, masisira ang food supply natin),” aniya pa.
- Latest



















