Ika-7 dikit target ng Junior Altas
MANILA, Philippines — Puntirya ng University of Perpetual Help System DALTA ang pang-pitong sunod na panalo sa pagharap sa Mapua University sa NCAA Season 102 junior basketball tournament sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Matapos matalo sa nagdedepensang Letran Squires sa pagsisimula ng kanilang kampanya ay anim na dikit na ratsada ang ginawa ng Junior Altas ni coach Joph Cleopas para palakasin ang tsansa sa Final Four.
Nagmula ang tropa ni Cleopas sa impresibong 117-76 pagsuwag sa Lyceum of the Philippines University-GenTri noong Martes.
Nakalasap naman ang Red Robins ng 69-74 kabiguan sa Squires na nagbagsak sa kanila sa 4-3 baraha.
Muling babandera sa Perpetual Help sina Sizco Roquid, Brian Orca Jr, Louie Rosales, Lord Dulanas, Francis Rosales, Arkin Cristobal, Sam Villaruel, Kurt Patalinghug at ang nagbabalik na si Kakai Zamoras.
Handa ring magbigay ng suporta sina Vandolf Urdaneta, Raymark Madaya, Josh Saga, Jhon Restificar Daniel Okeowo, Max Maurice at John Belan.
Samantala, umeskapo naman ang La Salle Greenhills laban sa Emilio Aguinaldo College Brigadiers, 63-61, para sa magkatulad nilang 5-3 kartada.
- Latest





















