Task Force Disiplina ng Quezon City binuwag
Sa pagkamatay ng 3 binatilyo
MANILA, Philippines — Binuwag na ng Quezon City government ang Task Force Disiplina kasunod ng pagkamatay ng tatlong binatilyo na umano’y pinagbabaril ng isa sa mga tauhan nito nitong Lunes ng madaling araw.
Sa kautusan ni Mayor Joy Belmonte, pinababalik at pinagrereport ang lahat ng tauhan ng TF Disiplina sa kanilang mother unit, Department of Public Order and Safety (DPOS). Wala nang awtorisadong operasyon o pagpapatrulya sa ilalim ng naturang task force.
Bago manatili sa serbisyo sa ilalim ng DPOS, kailangang sumailalim ang bawat tauhan sa mahigpit na background check, neuropsychological examination at drug test, gayundin ang pagsusumite ng National Bureau of Investigation (NBI) at police clearance.
Nilinaw ng lokal na pamahalaan na walang baril na iniisyu sa mga miyembro ng TF Disiplina at tanging mga pulis lamang ang awtorisadong magdala ng armas sa hanay ng mga tauhan at force multiplier ng lungsod.
Kasabay nito, inatasan ni Belmonte si Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Christopher Olazo na paigtingin ang kampanya laban sa mga ilegal na baril. Hinikayat din ang publiko na tumawag sa Helpline 122 kung may makitang nakaunipormeng tauhan ng TF Disiplina na patuloy na nagpapatrulya sa kanilang barangay.
Nauna nang kinondena ng lokal na pamahalaan ang insidente at nagpahayag ng pakikiramay sa mga naulila ng mga biktima. Tinanggal na sa serbisyo ang suspek at kasalukuyang nakakulong sa QCPD Station 6 habang tiniyak ng lungsod na pananagutin ito upang makamit ng mga biktima ang hustisya.
- Latest


















