P81.6 milyon shabu nasabat sa Batangas Port, 4 arestado

MANILA, Philippines — Nasabat nang pinagsanib na puwersa ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasa 12 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang P81.6 milyon sa ikinasang operasyon na nagresulta rin sa pagkakaaresto ng apat na indibidwal, sa Batangas Port, Barangay Sta. Clara, Batangas City, kahapon.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, ang mga naarestong indibiduwal ay pawang lalaki na nagkaka-edad ng 18, 29, 30, at 41-anyos, pawang residente ng Malate, Manila, at Maluso, Basilan.
Ani Cayabyab, dakong alas-10:00 ng umaga nang maaresto ang mga suspek sa naturang pantalan at nakumpiskahan ng illegal na droga.
Bukod sa mga illegal na droga, nabawi rin mula sa kanila ang isang sasakyan, isang cellular phone, mga identification cards, at ATM cards.
Kaagad namang itinurn-over ng PCG ang mga nakumpiskang illegal na droga at mga naarestong indibidwal sa kostudiya ng PDEA para sa kaukulang disposisyon at paghahain ng kaukulang kaso dahil sa paglabag sa Section 5 (Transportation of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act No. 9165, o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest




















